Wala tayong panalo sa Kuwait

PARA sa akin wala tayo sa lugar upang makipagmatigasan sa Kuwait. Maliwanag naman na ang mga opisyal ng ating gobyerno ang nakagawa ng pagkakamali. Bakit pa kasi kailangang i-post sa social media ang pagre-rescue sa dalawa nating kababayan? Akala nila magiging sikat sila pag ginawa ‘yun? Ayun maraming kababayan natin ang nagdurusa. Lalo lang nilang ginulo ang sitwasyon ng Pilipinas at Kuwait.

Hindi naman lahat ng ating kababayan na nagtatrabaho sa Kuwait ay pinagmamalabisan ng kanilang employer. May mga kababayan din tayong nagtatrabaho sa opisina, ospital at iba pa. Triple ang suweldo nila kumpara rito sa ating bansa. Kung ako ang tatanungin mas maganda kung ang mga domestic helpers na lang ang ipagbawal sa Kuwait dahil sila naman ang nakakaranas ng pagmamaltrato mula sa kanilang mga amo.

Mula nang simulan ang ban sa pagpapadala ng OFWs sa Kuwait, maraming umaray dahil pati ang mga nagbakasyon lang dito sa atin ay hindi na pinayagang makaalis. Kahit lumuha sila ng dugo ay talagang nagmatigas ang gobyerno natin na hindi sila paalisin.

Opinyon ko lang, wala tayong panalo kung patuloy tayong makikipagmatigasan sa Kuwait. Palagay ko mas kailangan natin sila kaysa kailangan nila tayo. May mga bansa sa Asya na puwede nilang pagkuhanan ng workers tulad ng Indonesia at Vietnam. Alalahanin din natin na ang Kuwait ang isa sa nagsusuplay ng langis sa ating bansa bukod sa Saudi Arabia.

Kita naman natin na nagmamatigas ang Kuwaitis ngayon. Hindi nila pinapansin ang paghingi ng sorry ni DFA Sec. Alan Peter Cayetano. Tama naman na ang may totoong pagkakamali sa nangyari ay si Cayetano. Nanganganib na hindi mapirmahan ang Memorandum of Understanding (MOU).

Iwasang magturuan. Pagtulungan na lang lutasin ang problema. Ang lahat naman ay nadadaan sa mabuting usapan.

Show comments