Legal maniwala, bawal mag-armas
PAKAINGATAN ng gobyerno ang “pagdurog” sa mga komunistang prente ng “teroristang” New People’s Army. Hindi na bawal maging komunista. Isang unang kilos ng Ramos admin nu’ng 1992 ay binura na ang Anti-Subversion Law (R.A. 1700). Maraming komunista ang kumandidato sa Kongreso. Tinalikuran ang armadong pakikibaka. Bago ‘yun, nu’ng Cold War, ginamit ang batas para palayasin ang komunista sa Kongreso at pamantasan. Isang heneral na malawak mag-isip ang nagpatunay na hindi maisasabatas ang ideyolohiya.
Ngayon hindi matutugis ng gobyerno ang mga maka-Kaliwa dahil lamang sa hinalang maka-komunista. Dadami lang sila sa gan’ung paniniil, tulad ng pagkalat ng Kristiyanismo sa buong mundo matapos sikilin ng mga Romano. Ang mahahabol ng gobyerno ay mga rebeldeng NPA na tuwirang gumagawa ng krimen: pagpatay, kidnapping, ilegal na pagkulong, pangingikil, pangangalap at pagbubuhat ng armas -- pati na ang pagnakaw ng mga bahayan na itinayo para sa mga sundalo’t pulis. Ang pag-adhika ng pagkakapantay-pantay sa lipunan ay bahagi ng malayang pamamahayag. Katulad lang sila sa “Imagine” ni John Lennon.
Sa kaso ni Jose Maria Sison na nagtatag ng Communist Party of the Philippines, maaring tumira ang gobyerno. Mula sa Netherlands, nanawagan siya sa NPA na pumatay ng isang unipormado araw-araw sa bawat rehiyon. Maituturing ‘yon na terorismo, lalo na’t ang kadalasang target ay mga sundalong nakadamit-sibilyan at walang armas dahil off-duty at pauwi sa pamilya o namamalengke ng pagkain ng tropa. Maaring ipakiusap sa gobyernong Dutch na sawayin si Sison o palayasin dahil sa paglabag ng mga batas Uropa at kondisyones ng kanyang political asylum. ‘Yun nga lang, sayang pag-abalahan ng oras ang matandang rebolusyonaryo na wala nang kasapi. Tsaka, tinuturing din ng Uropa na terorista si President Duterte dahil sa libong napaslang, pati menor de edad, sa madugong drug war.
- Latest