UMAABOT na sa 100 ang mga batang namatay matapos mabakunahan ng Dengvaxia, ayon sa Public Attorney’s Office (PAO). At iisa ang pattern ng mga batang namatay matapos awtopsiyahin. Nakita sa pagsusuri na may pagdurugo sa utak at namamaga ang internal organs. Ayon sa PAO, nasa 44 na bangkay na ang kanilang naawtopsiya at iisa ang pattern o parehung-pareho sa iba pang kanilang naeksamin.
Pero sa kabila nito, walang naririnig sa Department of Health (DOH). Hindi pa rin sila naniniwala na may kaugnayan ang Dengvaxia sa pagkamatay ng mga bata. Hanggang ngayon, wala silang ginagawang aksiyon para masubaybayan ang mara-ming bata na nabakunahan noong 2016. Wala pa rin silang maipakitang masters list ng mga bata na nabakunahan para maging mabilis ang pagtulong sa mga ito. Umabot sa mahigit 800,000 bata ang nabakunahan at lahat ito ay mga mahihirap. Walang mayayamang bata na nagrereklamo sa Dengvaxia.
Ang hinihiling ng mga magulang ng batang nabakunahan, dapat magbigay ang DOH ng mga dapat gawin sakali’t maglutangan na ang sintomas ng dengue sa mga nabakunahan. Ayon sa Sanofi Pasteur, maker ng Dengvaxia, magkakaroon ng severe dengue ang batang binakunahan na hindi pa nagkaka-dengue. Inihayag lamang ito ng Sanofi noong nakaraang Nobyembre 2017.
Noong nakaraang linggo, nakalulunos ang pag-iyak ng isang ina makaraang mamatay ang kanyang anak na lalaki. Dumaing ng pananakit ng ulo ang anak, nangisay at namatay. Sabi ng ina, malakas ang kanyang anak at nagkaganito lamang mula nang mabakunahan ng Dengvaxia.
Noong nakaraang linggo rin, isang ama mula sa Cavite ang nainterbyu at sinalaysay ang pagkamatay ng anak dahil sa Dengvaxia. Dumaing din ng sakit ng ulo at namatay. Ga-graduate pa naman ang anak niya sa Garde 6.
Nakababahala na ang pagkamatay ng mga batang nabakunahan ng Dengvaxia? Ano pang patibay ang hinahanap ngayon ng DOH at tila hindi pa sila naniniwala na ang Dengvaxia ang dahilan ng pagkamatay ng mga mahihirap na bata? O maniniwala sila kapag nalipol na lahat ang 800,000?