KUNG si incoming Philippine National Police (PNP) chief Director General Oscar Albayalde ang masusunod, gusto niya, lahat nang kandidato sa Barangay at Sangguniang Kabataan elections ay isailalim sa drug tests para maipaalam sa taumbayan na sila ay malinis sa droga o hindi addict. Sabi ni Albayalde, mas maganda kung magpapa-drug test ang mga kandidato at ihayag sa publiko ang resulta. Ito ang unang mungkahi ni Albayalde, ilang araw makaraang ihayag ni President Duterte na ito ang papalit kay Gen. Bato dela Rosa bilang hepe ng PNP.
Pero sabi ng Commission on Elections (Comelec) hindi nila mapupuwersa ang mga kandidato sa barangay na magpa-drug tests. Ayon kay Comelec spokesman James Jimenez na hindi saklaw ng poll body ang mandatory drug testing ng mga kandidato. Ayon sa Supreme Court, hindi puwedeng utusan ng Comelec ang mga kandidato na magpa-drug tests.
Maganda ang panukala ni Albayalde pero hindi pala saklaw ng Comelec ang mga kandidato sa barangay. Dapat ang Department of Local Government (DILG) ang gumawa ng hakbang para maipasailalim sa drug tests ang mga kandidato sa barangay. Malaki ang maitutulong ng mandatory drug testing sa mga kandidato sa barangay para malutas ang problem sa droga.
Si Pres. Rodrigo Duterte na mismo ang nagsabi na 80 percent ng barangay sa bansa ay drug infested. Maraming barangay captain ang protector ng drug syndicate. Maski sa bakuran ng barangay hall ay nagkakaroon ng transaksiyon sa droga. At mai-imagine kung ang mahahalal na barangay chairman ay sangkot sa drug trade. Ang problemang ito ang dahilan kaya dalawang beses ipinagpaliban ni Duterte ang barangay elections. Gagamitin umano ng drug syndicate ang pera para suportahan ang kanilang “manok”.
Kung wala sa hurisdiksiyon ng Comelec ang pag-aatas ng drug tests sa mga kandidato, magkusa na lamang ang mga tatakbo. Ipakita sa taumbayan na malinis sila. Bukas ay magsisimula na ang filing ng candidacy at mas maganda kung kusa nang magpapa-drug tests ang mga kandidato.