Balik sa PNP
UNANG nabalita na 70 Police Officer 1 (PO1) ang minomonitor ng NCRPO dahil sa kanilang pagkakasangkot umano sa iba’t ibang iligal na aktibidad. Wala raw minomonitor na mataas na opisyal ng PNP. Pero ngayon, ayon sa direktor ng Philippine National Police Counter-Intelligence Task Force (CITF), 1,500 pulis, kasama ang isang chief superintendent ang minomonitor nila para sa iligal na aktibidad. Protektor umano ng illegal gambling ang nasabing opisyal. May 358 opisyal ang kasama sa binabantayan.
Mabuti naman at hindi lang pitumpung mga PO1 ang minomonitor. Hindi talaga ako naniniwala na walang mga mas mataas na opisyal ng PNP ang maaaring sangkot sa krimen. Kung talagang gustong purgahin ng PNP ang kanilang hanay, kailangan lahat bantayan, hindi lang mga PO1. Kailangan talaga ng mga pulis na dedikado sa kanilang propesyon, lalo na ngayon at may awtoridad na silang maglabas ng subpoena sa mga maaaring testigo sa krimen.
Sana lang ay hindi ito abusuhin. Nawala raw ang otoridad na ito nang itaguyod ang PNP at nabuwag ang Philippine Constabulary (PC) noong 1990. Naging kontrobersyal ang PC noong panahon ni Marcos. Nilinaw na ang otoridad para maglabas ng subpoena ay para lamang sa PNP chief at deputy director for administration ng CIDG. Hindi rin daw puwedeng ibigay ang otoridad sa ibang tao. Baka mamaya kung sinu-sino na lang sa PNP ang maglabas ng mga subpoena.
Kung talagang makakatulong ito sa PNP para sa mas mabilis na pagsugpo ng krimen, walang problema ang taumbayan diyan. Pero kung babalik ang mga pang-aabuso nito tulad noong panahon ni Marcos, kailangang bawiin muli. Sigurado ako ayaw isipin ng taumbayan na tila unti-unting bumabalik ang mga dating panahon. May martial law sa Mindanao. Balik ang otoridad sa PNP para maglabas ng subpoena. Curfew ba sa buong bansa ang susunod?
- Latest