PAANO ba tatangkad ang mga kabataan? Heto ang aking payo.
Para sa kabataan, uminom nang maraming gatas habang bata pa. Ang gatas ay may calcium, Vitamin B at protina na pampatangkad.
Kumain ng masustansiyang pagkain. Ang isda, gulay at prutas ay mayaman sa protina, bitamina at mi-nerals. Kapag kulang sa pagkain ang mga bata, posibleng maging pandak sila.
Mag-ehersisyo ng regular. Kapag lagi kang nag-eehersisyo, mas titigas ang iyong buto at lalakas ang muscle.
Kumpletuhin ang tulog para maglabas ng growth hormone ang katawan. Kapag laging puyat ang kabataan, mas liliit sila.
Ang pagiging matangkad ay namamana sa magulang. Kung matangkad ang iyong partner, mas tataas din ang iyong mga anak.
Tandaan na kapag umabot na tayo sa edad 21, hindi na tayo tatangkad. Ang calcium sa ating buto ay naiipon habang bata pa. Paglampas natin ng edad 30, mahirap nang ma-absorb pa ang calcium sa katawan.
Para naman sa mga taong lampas 21 years old, kailangan ay tuluy-tuloy pa rin ang pagsunod sa mga payong ito para mapanatili ang ating taas.
1. Mag-ehersisyo, kumain ng masustansya, at matulog ng sapat. Makatutulong ito sa ating buto at kalusugan.
2. Itanong sa iyong doktor kung kailangan mo ng calcium supplements na may vitamin D.
3. Napakahalaga rin ang tamang posture habang nakaupo at nakatayo. Kailangan ay deretso ang ating likod para hindi makuba at maging pandak.
Heto pa ang isang kaalaman. Kapag tayo’y nagkaedad, lalo na pag edad 70, ay liliit tayo ng mga 2-3 inches. Ito’y dahil nagiging marupok ang ating buto (osteoporosis) at nagiging manipis ang mga spinal disc (nasa pagitan ng buto ng likod). Ang pagiging kuba at nakababawas din sa ating taas.
Kaya sundin na itong mga health tips para mapanitili ang ating taas.