Salita ng taon
HINDI raw puwedeng itaas ang presyo ng gasolina at iba pang produkto ng petrolyo ng 15 araw dahil sa papasok na excise tax sa ilalim ng programang TRAIN. Kailangan maubos na muna ang mga produkto na nabili ng mga kompanya noong 2017, bago mapatawan ng excise tax ang mga mabibili ngayong taon. Kaya sa Enero 16, maghanda na sa pagtaas ng presyo.
Iyan na siguro ang bagong salita ng taon, excise tax. Ang buwis na ipapataw sa maraming bagay, kasama ang produktong petrolyo. Napansin ko nga na marami ang nagpapuno ng tangke nitong mga nakaraang araw, sa takot na kapag pumasok na ang 2018, mas magmamahal na ang gasolina. Halos tatlong piso ang itataas ng gasolina at diesel, batay sa gabay ng gobyerno. Pati presyo ng LPG ay tataas ng higit piso kada kilo. Asahan na susunod na ang pagtaas ng presyo ng maraming bagay kapag pinatupad na ang TRAIN ng gobyernong ito. Kapag tumaas pa ang presyo ng langis sa pandaigdig na merkado, dagdag pa iyan.
May kilalang supermarket na itinigil na rin ang “unlimited” na softdrinks. Kasama ang mga inumin na pinatamis ng asukal sa TRAIN. Ibig sabihin, tataas na rin ang presyo ng mga paborito ninyong matamis na inumin. Hindi nga sila nagtaas pa ng presyo, pero wala nang “drink all you can” na softdrinks. Ilan lang ito sa mga nagaganap na dahil sa pagpapatupad ng TRAIN. Di kaya sumunod na rin ang mga “eat all you can”?
Humihingi na rin ng pagtaas ng pasahe ang Grab at mga pampasaherong sasakyan, dahil rin sa pagtaas ng presyo ng mga produktong petrolyo. Nagbabala naman ang DTI sa mga negosyante at industriya na huwag pagsamantalahan ang pagpapatupad ng TRAIN. Babantayan daw nila ang mga presyo ng bilihin kung biglang magtataasan. Ayon kay DTI Sec. Lopez, nasa isang porsyento lang daw ang epekto ng TRAIN sa mga negosyo at industriya. Kailangan makita muna kung talagang ganyan lang ang epekto sa mamamayan. Dahil mas mababa naman daw ang buwis na babayaran na, mas may pera ang tao para panggastos. Eh di ganun din pala, wala ka ring maiipon kung mataas naman ang bilihin kahit may pambili ka pa. Marami pa ang susunod. Abangan. Happy New Year na lang.
- Latest