‘White House Multo ni Mabilog’
KASAMA SA NARCO-LIST ni Presidente Rodrigo Duterte si Iloilo Mayor Jed Patrick Mabilog.
Noong nakaraang taon pa lang ay pinangalanan na ng Presidente si Mayor Mabilog kasama sina Albuera Mayor Rolando Espinosa at si Ozamiz City Mayor Reynaldo Parojinog na sangkot sa transaksyon ng iligal na droga.
Parehong napatay sa engkwentro sina Espinosa at Parojinog kaya nag-aabang ang karamihan sa kahihinatnan ni Mabilog.
Nadestino na sa Iloilo si Police Chief Inspector Jovie Espenido kaya marami ang nagkakaroon ng espekulasyon na patututukan ng Presidente si Mabilog at ang Iloilo na binansagan niyang ‘most shabulized’ na probinsya sa bansa.
Totoo nga ba na umano’y protektor ang Mayor? Nag-utos ang Presidente na magkaroon ng lifestyle check kay Iloilo City Mayor Mabilog para masagot ang lahat ng ibinibintang sa kanya.
Nakarating na din ang mensahe ni Mabilog sa Presidente na gusto siyang makausap nito at nabanggit ng Presidente na mistulang Palasyo ang bahay ng Alkalde at mukhang talagang galing ito sa mayamang pamilya.
Agad namang sumagot si Mabilog sa naging pahayag ng Presidente. Wala daw siyang itinatago at ang bahay niya na sinasabing mukhang Palasyo ay minana niya.
Nakatayo doon ang kanilang ancestral house at hindi daw ito ganun kalaki. Binuksan niya din ang kanyang tahanan noong nakaraang taon sa mga mamamahayag upang makita nila ang loob nito.
Dagdag pa niya bago pa man daw siya sumabak sa politika ay negosyante na sila ng kanyang asawa. Maalwan na ang kanilang buhay bago pa siya tumakbo bilang konsehal.
Diin niya hindi sila yumaman nang dahil sa politika di gaya ng iba. Nag sakripisyo din daw ang kanyang asawa dahil nagtrabaho ito ng mahabang panahon sa Canada habang nag-invest ito na nakasaad naman sa kanyang income tax refunds.
Gusto niya ding maging huwaran sila ng mga Ilonggo na sa pamamagitan ng pagkayod ay makakapagpatayo din sila ng mga pangarap nilang tahanan.
Nakalulungkot lamang daw na ang kanyang inasam na pangarap na tahanan ay magiging bangungot sa kanya.
Sinisiguro naman daw niya sa Presidente na hindi siya gumasta mula sa maruming pera para sa pagpapatayo ng kanilang bahay.
Ngayong pinaiimbestigahan ng Presidente ang Alkalde kahit na hindi siya magsalita at hindi niya sagutin ang mga paratang sa kanya lalabas at lalabas din ang katotohanan kung totoo bang protektor siya o hindi ng droga.
Maraming politiko na ang nagpahayag na hindi sila korap o hindi sila sangkot sa iligal na transaksyon ngunit kapag napaimbestigahan na ay saka lumulutang ang mga kwestiyonableng mga pag-aari.
Ganun din naman sa sitwasyon ng Alkalde kung namana niya ang sinasabing lote mula sa kanyang mga magulang o ninuno ay lalabas ito.
Kung lahat ay nakadeklara naman sa kanyang SALN at maipapaliwanag kung saan nanggaling o kung paano niya ito nabili o nakuha ay wala siyang magiging problema.
Ang tinaguriang White House ni Mabilog ay iniimbestigahan dahil nahaharap na ito sa kasong kriminal at administratibo na isinampa ni dating Iloilo provincial administrator Manuel “Boy” Mejorada dahil sa hindi maipaliwanag na yaman.
Ayon din kay Mejorada ang bahay ay may halagang aabot ng Php50 milyong piso. Sagot naman ng mag-asawang Mabilog hindi daw aabot ng walong milyong piso ang bahay.
May mga nagbigay naman ng opinyon na ang mga bintana pa lang ay aabot na sa pitong milyong piso dahil gawa ito sa mamahaling klase ng salamin.
Ang Ombudsman Visayas ang nagsasagawa ng lifestyle check kay Mayor Mabilog. Sa report nila ay tumaas ang SALN nito mula sa mahigit pitong milyon noong taong 2004 at umabot na sa Php44 milyong piso noong taong 2007.
Patuloy pa itong tumaas at bahagya lang bumaba noong taong 2010. Nagsilbi bilang konsehal si Mabilog mula taong 2004 hanggang 2007. Umupo naman ito bilang Vice Mayor noong 2007 hanggang 2010. Matatapos ang kanyang termino bilang Alkalde sa 2019.
Tulad nang nabanggit ko sa kolum ko noong nakaraan kung wala ka namang itinatago at wala kang ginagawang labag sa batas ay wala kang dapat ikatakot.
Nabansagan bilang ‘most shabulized’ province ang Iloilo ito pa lang dagok na ito sa namumuno ng lugar dahil ibig sabihin kulang ang kanyang mga ginagawa mo para masugpo ang problema sa iyong lugar.
Nagtalaga ang Presidente para makatulong sa probinsya na masugpo ang iligal na droga. Kung magtutulungan ang lahat at ilalatag ang kanya-kanyang plano siguradong mareresolba ang problema.
Ang ginawa ng Presidenteng paglalagay kay Espenido sa Iloilo ay upang malaman ang bawat detalye ng problema at posibleng solusyon. Naglagay siya ng tao niya doon dahil mismong ang Mayor ng lugar ay nasasangkot sa isyu ng iligal na droga.
Ngayong nasa balwarte na ni Mabilog si Espenido panahon na din para ipakita niyang inosente siya kung talaga ngang malinis siya.
Alam ni Espenido ang mga paraang kailangan niyang gawin para makapagbigay ng magandang balita sa Presidente at para masugpo na din ang iligal na droga sa Iloilo.
Maraming bahagi pa ng Pilipinas ang kinakailangang linisin lalo na ang mga probinsya dahil tingin ng mga Drug Lords ay hindi sila masyadong napapansin dahil malayo sila sa siyudad.
May mga paraan ang Presidente para lumabas ang katotohanan at para malaman kung ang mga pangalan ba sa kanyang narco-list ay mga protektor ng iligal na droga sa bansa.
Matanggal lang ang paghahangad ng labis na salapi at kapangyarihan na madalas pinapangako ng mga Drug Lords ay mababawasan ang bentahan at operasyon ng droga sa bansa. Dapat lang maging tapat sa taumbayan ang mga politiko at mas unahin ang kapakanan ng kanilang mga nasasakupan na nagtiwala sa kanila kaya nailuklok sila sa posisyon.
SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal maaari kayong magtext sa 09198972854, 09051090451 at sa gustong maka-usap ako ng diretso sa 710-3618.
Maaari din po ninyong i-like ang www.facebook.com/tonycalvento o i-type na rin ng diretso sa Facebook sa Tony A. Calvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.
Hotlines: 09198972854
Tel. Nos.: 7103618
- Latest