^

PSN Opinyon

‘Ang malinis walang dapat ikatakot!’

CALVENTO FILES - Tony Calvento - Pilipino Star Ngayon

Hotline: 09198972854N

Tel. No.: 7103618

HINILING ni Chief Inspector Jovie Espenido na magbitiw na lang sa posisyon kung saan man siya mailagay ang mga Mayor na sangkot sa iligal na droga para umano humaba pa ang kanilang buhay.

Matatandaang naging kontrobersyal ang nasabing pulis una nang mapatay sa operasyon si Albuera Mayor Rolando Espinosa.

Nang mapunta naman sa Ozamiz si Espenido ay napatay din sa operasyong pinangunahan niya si Ozamiz Mayor Reynaldo Parojinog.

Ang dalawang Mayor na ito ay kabilang sa listahan ng Presidente na sangkot sa transaksyon sa iligal na droga.

Humiling si Espenido na sa Iloilo siya madestino at inaprubahan ni Presidente Rodrigo Duterte ang kanyang kahilingan.

Tanong ng  marami ano ang mangyayari sa Mayor doon? Susunod kaya siya sa sinapit ng dalawang Mayor ng lugar na pinaglagyan ni Espenido?

Ang dalawang Mayor ay napatay dahil sa umano’y nanlaban at nakaengkwentro ang mga pulis.

Nung nakaraang taon ay binansagan bilang ‘most shabulized’ ang Iloilo. Marami ding opisyal ng gobyerno ang umano’y sangkot sa transaksyon sa iligal na droga.

Si Iloilo City Mayor Jed Mabilog ang isa sa pinagbintangan na sangkot sa iligal na droga. Itinanggi na ito ni Mayor Mabilog nang mabanggit ang kanyang pangalan sa ‘narco-list’ ni Presidente Duterte.

Ipinahayag naman noon ni Mabilog na bukas siya sa anumang imbestigasyon.

“Mabuhay kaya siya?” ito ang gustong itanong ni Presidente kay Espenido tungkol sa pagpayag niyang madestino ito sa Iloilo.

Ayon sa Presidente kaya daw gusto ni Espenido sa Iloilo dahil sinasabing isang protektor na Mayor si Mabilog. Kung sakaling mamatay si Mabilog ay siya na naman ang pagbibintangan.

Ipinaalala din ni Presidente sa kanyang panayam na ang pagpatay na labag sa batas ay hindi katanggap-tanggap bilang pagsunod sa patakaran sa  kampanya laban sa iligal na droga.

Sinabi din ni Presidente na walang dapat alalahanin si Espenido kung sumusunod naman siya sa mga pamantayan at patakaran.

Hindi lamang dapat kay Espenido ipaalala ito kundi maging sa buong kapulisan. Isaisip dapat nila na kahit na sangkot sa iligal na droga ang kanilang hinuhuli kung hindi naman ito nanlaban ay hindi nila pwedeng basta na lamang patayin.

Pinapahintulutan lang ang paggamit ng baril o armas kung sakaling may banta sa kanilang buhay at banta sa buhay ng ibang tao o sa kanilang pamilya at maging sa sibilyan.

Nakatanggap naman ng parangal si Espenido na Order of Lapu-Lapu bilang naging papel niya sa kampanya laban sa iligal na droga.

Nilinaw din naman ni Espenido na pro-life siya at kung pwede lang ay matigil na ang pagdami ng listahan ng mga napapatay. Kung talagang kinakailangan lang nilang lumaban ay lalaban ngunit kung hindi ay hindi.

May mga nagsasabi na si Espenido ay malinaw na sumusunod lamang sa utos sa kanya ng Presidente. Ang isang pulis daw na may ranggong Police Inspector na nananakot sa isang politiko ay hindi normal.

Nasanay din tayo na ang mga politiko ang may kakayahang manakot dahil sa kanilang posisyon at koneksyon.

Nagtataka naman si Mayor Mabilog kung bakit nai-assign si Espenido sa Iloilo ngunit iginagalang niya ang desisyon ng Presidente.

Isa din sa kanyang iniisip niya ay ang pagkakadawit ng kanyang pangalan sa listahan ng Presidente sa mga politikong sangkot sa transaksyon ng iligal na droga.

Itinanggi naman ng Palasyo na kaya nila inilagay sa Iloilo si Espenido ay para tugisin ang Mayor doon.

Sa track record pa lang ni Espenido ay masasagot na kung bakit yun ang tingin ng iba sa kanya.

Kung titingnan mo magandang bagay din naman na patutukan ng Presidente sa isang pinagkakatiwalaan niyang pulis ang lugar na kilala bilang talamak ang bentahan o transaksyon sa iligal na droga.

Mas malalaman ng Presidente kung gaano nga ba kalala ang problema doon. Masasagot din ang kanilang mga katanungan kung totoo bang sangkot sa iligal na droga ang Mayor o wala at inosente talaga siya.

Dapat unahin ding linisin talaga ang hanay ng mga politiko dahil sila ang may mga kapangyarihan na protektahan ang mga drug lords. Hindi ko sinasabing may kinalaman talaga si Mayor Mabilog kundi sinasabi ko ito sa pang kalahatan.

Ang mga politiko ang maraming galamay, may pera, may kakayahang kumuha ng abogado at  pwedeng pwedeng maging protektor kumpara sa mga mahihirap na adik o runner lang.

Kung ikukumpara mo mas madaling mababawasan ang problema sa droga kung ang malalaking ugat ay mapuputol dahil kapag ang pinanggagalingan ay wala na unti-unti na ding mauubos ang maliliit na ugat nito.

Kontrobersyal si Espenido dahil sa mga nangyayari sa lugar na kanyang pinupuntahan. Dapat mas maging maingat din sila sa kanilang mga kilos at sundin dapat ang batas at tamang proseso.

Si Espenido ay isang opisyal na may paninindigan na hindi matatawaran ang kanyang dedikasyon upang ipatupad ang kampanya ni Presidente Rodrigo Duterte laban sa iligal na droga.

Maraming buhay na, maraming kabataan na ang nawasak sa droga. Kahapon sinabi ni Presidente Duterte na hindi niya pinupuntirya (single-out) si Mayor Mabilog. Nadinig ko mismo na sinabi ng ating Presidente na nasa listahan siya ng mga protektor na binansagang narco politics.

“Tigilan mo ‘to at makiisa ka sa aking kampanya ay wala tayong problema.”

Tama din naman kung wala ka ngang koneksyon tungkol sa droga, makipag tulungan ka kay Chief Inspector Espenido, ilatag mo ang nalalaman mo pati na rin ang plano mo paano mo nililinis ang iyong siyudad.

Sa ganitong paraan lamang makukumbinsi mo ang ating Pangulo, ang ating kapulisan, sundalo at ating mamamayan. Umpisahan mo na ngayon.

SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal maaari kayong magtext sa 09198972854, 09051090451 at sa gustong maka-usap ako ng diretso sa 710-3618.

Maaari din po ninyong i-like ang www.facebook.com/tonycalvento o i-type na rin ng diretso sa Facebook sa Tony A. Calvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with