^

PSN Opinyon

‘Ihinto ang patayan!’

CALVENTO FILES - Tony Calvento - Pilipino Star Ngayon

Hotlines: 09198972854

Tel. Nos.: 7103618

KARAMIHAN SA MGA DUMALO at mga nagprotesta na sumama sa paghatid kay Kian ang isinisigaw ‘Ihinto ang patayan’.

Sa kabila ng buhos ng ulan ay marami ang dumagsa upang makiramay sa pamilya ni Kian Lloyd delos Santos.

Ilang kinatawan ng Simbahan, Human Rights Group, iba’t-ibang organisasyon, kaibigan at pamilya ang nagsama-sama para ihatid sa huling hantungan si Kian.

Lahat tayo gustong matuldukan ang karahasan at mga tran­saksyon laban sa iligal na droga pero lahat din tayo humihiling na walang mga inosenteng tao ang madamay sa kampanyang ito.

Ang mga salaysay ng pulis kung paano nahantong sa pagkamatay ni Kian ay taliwas sa mga nakalap na ebidensya.

May testigong lumutang na walang barilan ang naganap. Pinatunayan ito nang sumailalim sa paraffin test ang katawan ni Kian upang malaman kung may gun powder pero negatibo ang naging resulta.

May ilang mga magulang din na namatayan ang nagtungo sa libing ni Kian na humihiling at nananalangin na sana ay matigil na ang patayan sa bansa.

Sana ay si Kian na ang huli. Magkaroon sana ng kampanya laban sa iligal na droga nang hindi kinakailangang gamitan ng dahas at ng armas.

Kinukwestiyon din ng ilan kung bakit pawang mahihirap lang ang kanilang naitutumba at sinasaling. Nasaan na ang mga drug lords na mapepera? Hindi nila ito magalaw dahil may sapat na pantustos para sa abogado at ilan pang gastusin.

Isang ina din ang sumisigaw ng hustisya para sa kanyang labing siyam na taong gulang na anak. Tulad ni Kian ay inutusan daw itong tumakbo ngunit dahil may kapingkawan sa paa ay hindi nito nagawa. Parehong sa ulo ang tama ng dalawang binata.

Nakadagdag pa sa hinagpis ng mga magulang ni Kian nang malaman nila na bumase sa report sa social media ang mga pulis tungkol sa pagkakaugnay kay Kian sa bentahan ng iligal na droga.

Ang mga networking sites ay isa sa pinakamabilis na paraan para magbigay ng mensahe sa isang tao. Kahit ilang account ang gawin mo pwede at maaari mo din naman itong burahin pagkatapos.

Sinabi ng hepe ng Caloocan Police na si Police Chief Superintendent Chito Bersaluna na may natanggap silang report galing sa isang nagngangalang “Nono” na nag-uugnay sa binata sa transaksyon ng iligal na droga.

Tahasan niyang inamin na ito ang naging basehan nila at ilan pang sabi-sabi na nakarating sa kanila.

Si Nono ay nadakip isang araw matapos na mapatay si Kian. Nagbigay din ito ng pahayag kung paano nasasangkot si Kian sa iligal na droga.

May impormasyon ding inaakusahan na maging ang ama at mga tiyuhin ng bata ay sangkot sa bentahan ng iligal na droga. Siga umano ang pamilya nito at mahirap banggain.

Alam nating lahat na hindi lahat ng impormasyon sa internet ay totoo. May iba diyan na gawa-gawa lang.

Pwede kang gumawa ng maraming account at magpakalat ng maraming kwento laban sa isang tao pagkatapos ay buburahin na ang account.

Ginagamit din ito ng ibang tao para siraan ang kanilang kalaban, kaaway o katunggali sa politika man o ibang bagay para sa pansariling interes.

Segundo lang ang bibilangin mo siguradong kalat na ang ipinost mo doon. Kahit na burahin mo ang ginamit na account maiiwan pa din ang ikinalat mong impormasyon.

Ilang Kian pa ang pwedeng mabiktima ng social media. Hindi dapat ito pinagbabasehan lalo na ng mga pulis. May kakayahan naman silang mag back ground check upang malaman kung talaga bang sangkot sa bentahan ng iligal na droga ang isang tao.

May listahan sila diyan ng mga adik, nagtutulak at runner dapat ang mga ito ang binabantayan nilang maigi para malaman kung sinu-sino ang kanilang katransaksyon.

Kung talagang dito lang bumase ang mga nasibak na pulis ibig sabihin ay dumedepende  sila sa natatanggap nilang impormasyon sa social media?

Paano kung may kagalit o naiinggit lang sa isang tao at gusto silang mapahamak tapos biglang nagreport sila sa pulis na adik at pusher ito basta na lang ba nila huhulihin o paniniwalaan ang kanilang natanggap kahit hindi naman nila nakakaharap ng personal ang nagreport?

Napakadaling mang-akusa, madaling gumawa ng kwento pero dapat siguraduhin munang may katotohanan ang mga balita bago ka maniwala.

Hindi lahat ng pulis ay naniniwala sa mga report sa social media pero sa mga kumakagat sa ganitong istilo magdoble ingat at suriin niyong mabuti ang bawat impormasyon.

Pwedeng gawing taktika ng mga pusher o ilan pang indibidwal na sangkot sa pagbebenta ng iligal na droga na magturo na lang para mailigtas ang kanilang sarili at mawala sa kanila ang mga mata ng pulis.

Nakarating sa Senado ang pag-iimbestiga sa kaso ni Kian. Maraming grupo ang sumisigaw ng hustisya para sa binata. Patunay na nito ang dami ng tao na dumagsa sa libing ni Kian.

Hiling ng mga taong ito matuldukan na sana at maging huli na sa listahan ang pangalan ni Kian bilang biktima ng madugong kampanya ng administrasyon laban sa iligal na droga.

Nagsabi na din naman si Presidente Rodrigo Duterte na hindi niya kukonsintihin ang mga pulis na aabuso sa kanilang pwesto.

Alam din naman natin na hindi hawak ng Presidente kung ano ang gagawin araw-araw ng mga pulis sa pagsunod sa kanyang kampanya laban sa iligal na droga ngunit kinakailangan nilang ma­ging maingat sa mga impormasyong matatanggap dahil buhay ng tao ang nakasalalay dito.

SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal maaari kayong magtext sa 09198972854, 09051090451 at sa gustong maka-usap ako ng diretso sa 710-3618.

Maaari din po ninyong i-like ang www.facebook.com/tonycalvento o i-type na rin ng diretso sa Facebook sa Tony A. Calvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with