‘Umapaw Ang Lambat’
‘UNTIL the last supplier, pusher at user’ ay hindi hihinto si Presidente Rodrigo Duterte sa kanyang kampanya laban sa iligal na droga.
Nasa bansa at sa Presidente ang mata ng buong mundo dahil sa madugong laban niya para masugpo ang iligal na droga. Unang-una nang bumabatikos sa kanyang mga hakbang ang Commission on Human Rights dahil natapakan at nabalewala raw ang karapatan ng mga nahuhuli at nato-tokhang.
Sa halos maghapon o magdamag na operasyon ng mga pulis sa Bulacan ay umabot na sa 32 ang napatay at 107 naman ang naaresto.
Nagsagawa ang San Rafael Bulacan-PNP ng buy-bust operation sa isang sementeryo sa Barangay Balagtas BMA.
May itinuturong tulak doon at ito ang target nilang maaresto. Nahuli si Lorenzo Guitap at may nakuhang mga sachet ng iligal na droga sa kanya. May baril ding nakita ang mga pulis.
Aminado si Guitap na nagtutulak nga siya. May isa pang naaresto na gumagamit ng iligal na droga.
Sa Barangay Alagao, San Ildefonso Bulacan ang target ng mga pulis ay si Joseph Gentolia. Sa halip na mapayapang maaresto ito ay nauwi sa engkwentro dahil nanlaban umano sii Gentolia nang malamang pulis ang kanyang katransaksiyon sa bentahan.
Mag live-in naman ang napatay sa Barangay Atlag, Malolos Bulacan matapos makipagbarilan nang hainan sila ng search warrant.
Marami pang engkwentro, labanan at barilan ang nangyari sa Bulacan na ikinamatay ng ilang mga pusher at user.
Isang nagngangalang Quintin ang napatay din sa buy bust operation sa Barangay Look 2nd.
Sa dami ng napatay sa naging operasyon ng kapulisan siguradong marami ang kukwestiyonin ang pangyayaring ito. May magsasabi na hindi dumaan sa due process at pinatay na lamang ang mga pusher o user.
Nilinaw ng Bulacan-PNP na lahat ng kanilang operasyon ay lehitimo. Nakahanda raw sila sa anumang imbestigasyon tungkol sa mga engkwentrong nangyari.
Ang pinaka pinagtutuunan nila ngayon ng pansin ay matukoy kung sino ang supplier ng mga ito. Mas paiigtingin din nila ang kampanya laban sa droga dahil marami pang nagkalat diyan na tulak.
Nung mismong araw na yun ay nagkaroon ng 49 buy bust operation sa iba’t-ibang lugar ng Bulacan. May tatlong checkpoints at naghain ng labing apat na search warrants.
Umabot ng 230 grams na hinihinalang shabu ang nakuha ng mga pulis at 765 grams na marijuana. Maliban sa mga iligal na droga ay nasabat din nila ang ilang granada, baril at armas ng mga suspek.
Ipinatutupad pa rin hanggang ngayon ang kampanya ng administrasyon laban sa iligal na droga na tinawag nilang ‘Project Double Barrel Reloaded’.
Ikinatuwa naman ng Presidente ang resulta ng naging operasyon ng mga pulis sa Bulacan. Kung araw-araw ay makakapatay ng 32 durugista na sumisira sa bayan ay mababawasan ang mga ito.
Alam ng Presidente na maraming babatikos sa kanila pero siniguro niyang hindi planado ang mga ito dahil wala namang makukuha ang mga pulis kung gagawin nila ito kundi magkakakaso lamang sila.
Puspusan ang kampanya ng administrasyon at ipinapatupad ng mga pulis ang utos ng Presidente para masugpo ang problema sa iligal na droga pero marami pa ring lugar na talamak ang bentahan ng ipinagbabawal na gamot.
Kung matutunton lang ang supplier ng mga ito at ang mga malalaking drug lords ang maaresto at makulong mababawasan ang sakit ng ulo ng bansa.
Anumang kaharaping kaso ng mga pulis nang dahil sa pagsunod sa utos ng Presidente ay hindi dapat sila mangamba dahil nangako na noon pa man si Presidente Duterte na susuportahan niya ang mga ito.
Talagang inaalagaan ng Presidente ang ating mga sundalo at kapulisan dahil sa kaso ng Mile Long sa Makati nabanggit niyang ibebenta niya ito para makapagpatayo ng mas marami pang pabahay para sa ating mga kapulisan at sundalo.
Matatandaan na binabawi ng Presidente ang Mile Long na pag-aari ng Sunvar Realty Development Corporation. Bukas para sa bidding ang nasabing property.
Inakusahan ni Solicitor General Jose Calida ang Sunvar na pag-aari ng mga Prieto at Rufino na hindi sila nakapagbayad ng renta na aabot na sa Php1.676 bilyong piso hindi pa kasama ang interes.
Ayon sa Presidente bayaran nila nang tama ang kanilang buwis at ibalik ang pag-aari ng mga tao.
Inutusan naman ng Regional Trial Court Makati ang Sunvar na umalis sa lugar nung nakaraang August 15.
Ang nasabing kompanya ay umokupa sa tatlong ektaryang pag-aari noong taong 1982 sa ilalim ng lease agreement na napaso na dalawampung taon na ang nakakalipas.
Ang ating mga sundalo ang pumoprotekta sa atin at lumalaban sa mga terorista. Bawat tungtong nila sa battle ground hindi sila nakakasiguro kung makakaalis pa ba silang buhay at makakabalik sa pamilya.
Anumang prebilehiyo ang ibibigay sa kanila ng Presidente lalo na kung para sa kanilang pamilya ay karapat-dapat lang naman talaga dahil sa kabayanihan nilang ginagawa para sa mga mamamayan.
Sa mga pusher, user at ilan pang konektado sa iligal na droga dapat matakot na kayo at kusa nang tumigil sa masamang gawain dahil hindi kayo titigilan ng kasalukuyang administrasyon hangga’t di kayo nauubos.
SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal maaari kayong magtext sa 09198972854, 09051090451 at sa gustong maka-usap ako ng diretso sa 710-3618.
Maaari din po ninyong i-like ang www.facebook.com/tonycalvento o i-type na rin ng diretso sa Facebook sa Tony A. Calvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.
Hotline: 09198972854
Tel. No.: 7103618
- Latest