NOONG Miyerkules ng umaga nakoberan ko ang outreach ng Les Clefs D’ors Philippines sa White Cross, San Juan City. Mahigit sa 70 kabataan ang pinakain, binigyan ng mga regalo at gamit pambata. Mga sabik sa yakap at kalinga ang mga kabataan kaya pumatak ang luha ng mga assistant head Concierge at service leaders ng 4-5 star hotels ng Pilipinas na bumubuo ng outreach program. Halata naman na kinakalinga silang mabuti ng mga staff ng White Cross dahil malilinis at malulusog ang mga kabataan. Maging ang kanilang wards ay nasa maayos at may naka-duty na mga staff na kumakalinga sa mga bata. Mayroon din silang treatment room sa ikalawang palapag na may mga gamot, ngunit sa pakiwari ko may kakapusan din ito dahil sa dami ng mga batang kinakalinga roon. Ito ang dahilan kung bakit ako nagkainteres na isulat ito upang makarating sa mga may ginintuang puso na makapagbigay ng tulong sa ampunan.
Ayon sa staff na aking nakausap, huwag ko na lamang daw babanggitin ang kanyang pangalan, ang mga batang aking nakikita ay inabandona ng mga magulang sa mga ospital at lansangan. Sila na ang gumanap na magulang sa mga ito hanggang sa paglaki. Bagamat kulang sa pondo o ayuda ang orphanage nairaraos nila ito sa mabuting pamamaraan upang masiguro ang kaligtasan ng mga batang ulila. Ito marahil ang pumukaw sa damdamin ng mga hotel staff na makapagsagawa ng Out Reach Program. Kaya sa aking paglilibot napahanga ako sa pagiging disiplina sa mga bata at kaayusan ng paligid, Bagamat may kalumaan na ang mga gamit sa playground maayos naman itong nami-maintain ng mga staff ng White Cross upang maiwaasan ang disgrasya. Matapos ang aking paglilibot, nagtipun-tipon na ang mga kabataan sa reception area. Naging madamdamin ang tagpo matapos na magsipaglapitan at magpa-karga ang mga bata. Halatang sabik sila sa yakap ngmagulang kung kaya kahit na sa kamay lamang sila makahawak ay super saya na sila. Kaya halos hindi magkandaugaga sa pagkalong ng dalawa hanggang apat na bata ang mga opisyales ng Les Clefs D’ors Philippines.
Ang mga bumubuo ng Les Clefs D’ors Philippines ay si Mayumi Marcelo, President (Raffles and Fairmont Hotel); Neil Reyes, Vice President (Solaire Hotel); Len Bayas, Secretary-General, (New World Hotel); Robert Porter, Treasurer (Shangri-La Makati); Niel Santos. Asst. Treasurer (Hyatt); Pia Vanessa Amado, Public Relations Officer (Shangri-La at the Fort); Vanessa Gonzales, Asst. Public Relations Officer (Okada Manila). May 48 na miyembro ang Les Clefs D’ors Philippine. Ayon sa PRO na Pia, “Ang aming organisasyon ay isang non-profit organization. Kami ay nagbibigay ng serbisyo sa aming mga bisita sa hotel para maibigay ang kanilang pangangailangan sa pamamagitan ng pakikipagkaibigan sa iba’t ibang sangay ng gobyerno at kumpanya.” Ito ang una nilang outreach at palalawakin pa. Mga suki, tumulong tayo sa White Cross dahil ang inyong ambag ay makakatulong sa mga batang nangangailangan.