NAGSALITA na si Pres. Rodrigo Duterte. Hindi raw niya tatalakayin o babanggitin ang desisyon ng UN Permanent Court of Arbitration (PCA) kung saan nanalo ang bansa noong Hulyo ng nakaraang taon. Ang Pilipinas ang punong-abala ngayong ASEAN Summit, kaya si Duterte ang chairman. Hindi raw isyu ang nasabing desisyon, kaya wala daw dahilan para banggigtin pa. Alam natin na ayaw galitin ni Duterte ang China, ngayong tila magkaibigan ang dalawang bansa, dahil na rin sa kagustuhan niya. Pauli-uit niyang sinasabi na wala namang magagawa ang Pilipinas para ipatupad ang nasabing desisyon, dahil hindi kayang labanan ang China sa isang digmaan. Ano raw ang silbi kung pag-uusapan pa ang desisyon.
Pero apat na bansa na miyembro ng ASEAN ang may isyu hinggil sa teritoryo sa South China Sea – Brunei, Malaysia, Pilipinas at Vietnam,. Ganito rin ba ang pasya ng tatlong bansa, pabayaan na muna? Pababayaan na lang din nila ang isyu ngayong ASEAN Summit?
Kung hindi tatalakayin ang desisyon ng PCA, nais nang marami ay magkaroon na ng kasunduan sa Code of Conduct sa South China Sea. Pero hindi rin alam kung lalagda ang China sa panukalang ito, kung saan magkakasundo ang lahat hinggil sa malayang paglayag at paglipad sa nasabing rehiyon. Sa ngayon ay lahat ng barko at eroplano ay nakakarinig ng babala at utos mula sa mga stasyon ng China sa karagatan na lumayo o lumihis, na tila teritoryo na nga nila ang buong karagatan. Paano magkakaroon ng Code of Conduct kung ganito na nga ang kalakaran sa karagatan? Hindi ko nga alam kung ano ang sinasabi ng China na dapat pinag-uuspan na lang ng Pilipinas at China ang isyu, kung ganito na sila kumilos. Ano pa ang pag-uusapan, kung hindi nila gagalangin o kikilalanin ang desisyon ng PCA, at nagtataboy na sila ng mga barko at eroplano, bukod sa armado na ang mga islang inilikha nila? Ano ang pag-uuspan kung ang pagdalaw ni Defense Sec. Delfin Lorenzana at AFP Chief of Staff Gen. Eduardo Año sa Pag-asa Island na matagal nang hawak ng Pilipinas ay hindi nila nagustuhan?
Mukhang wala na namang mangyayari sa mga isyu sa South China Sea ngayong ASEAN Summit. Habang tumatagal ang isyu, pinatitibay na ng China ang kanilang pag-aangkin sa karagatan, sa pamamagitan ng lakas-militar at ekonomiya. Darating ang panahon, wala nang makapagrereklamo sa lahat nang gusto nilang gawin.