SA mga nakaraang administrasyon, namayagpag ang katiwalian sa mga tanggapan ng pamahalaan. Pero walang matandaan na may sinibak na opisyal na agad-agaran. Ngayon din naman ay may mga katiwalian sa mga tanggapan pero ang sangkot na opisyal, agad nasisibak sa puwesto. Usok pa lamang ang nababalitang korapsiyon sa opisyal, sibak na agad ang pinararatangan. Ito ang ginagawa ni President Rodrigo Duterte sa kasalukuyan. Iglap ay may pasya na siya sa taong sinasangkot sa katiwalian.
Kahapon, sinibak ni Duterte si Interior Sec. Ismael Sueno. Ayon sa Presidente, nawalan siya ng tiwala kay Sueno. Bago ang pagsibak kay Sueno, umalingasaw ang balitang nagpayaman ito sa puwesto. May mga ari-arian umano itong hindi maipaliwanag kung paano nabili. Pinabulaanan naman ni Sueno ang mga akusasyon. Ang adbokasiya umano niya laban sa katiwalian ay nananatiling malakas kaya walang katotohanan ang ipinararatang sa kanya. Imposible umano ito. Naniniwala siyang gawa-gawa ang mga ito ng kanyang tatlong undersecretaries.
Kamakailan lang, sinibak din ni Duterte si National Irrigation Administration (NIA) administrator Peter Laviña dahil sa isyu ng corruption. May sinibak din siyang dalawang Immigration officials na sangkot sa extortion. Ayon pa sa Presidente, may 92 government employees ang sinibak niya sa puwesto noong nakaraang buwan at karamihan sa mga ito ay nagmula sa Bureau of Customs, Bureau of Internal Revenue at Land Transportation, Franchising and Regulatory Board. Hindi na raw niya inihayag ang mga pangalan ng mga ito sapagkat may mga anak na nag-aaral sa mga exclusive schools.
Noong nangangampanya pa si Duterte, ipinangako niya na walang puwang sa kanya ang katiwalian at malinis na gobyerno ang kanyang ihahandog sa sambayanan. Nagbabala na rin siya sa kanyang mga ini-appoint na huwag siyang hihiyain sapagkat maghihiwa-hiwalay sila. Hindi niya ito-tolerate ang mga kaalyado o kaibigan na gagawa ng corruption.
Ang mabilis na pagsibak sa nakagawa ng corruption ay ikinatutuwa ng mamamayan. Nagbibigay ito ng pag-asa sa mamamayan na punumpuno na sa pamamayani ng mga gutom na “buwaya”.