Mayroon akong nadiskubreng epektibo at murang paraan para magpaganda. Ito ay ang “oatmeal face mask.” Pinapahid ang oatmeal sa mukha at parte ng katawan na magaspang. Puwede ito gamitin ng lahat, lalo na yung may dry skin, eczema, o tagihawat. Subukan ninyo ito sa bahay.
Ang mga sangkap ay one-fourth cup ng instant oatmeal, 3 kutsara ng honey at 2 kutsara ng tubig.
Ihanda ang oatmeal face mask: (1) Durugin muna ang oatmeal sa isang tadtaran o sa blender; (2) Ilagay ang honey sa oatmeal at haluin ito; (3) Lagyan ng konting mainit na tubig para maihalo ng maigi. Kailangan magmukhang pandikit ito; (4) Kung gusto n’yo, puwedeng initin ito ng bahagya sa microwave ng 10 segundo o sa kalan.
Pagpahid sa mukha:
1. Maghilamos muna ng mukha. Kailangan ay walang make-up o dumi sa iyong mukha.
2. Gumamit ng kutsara, brush o kamay para ilagay ang oatmeal mask sa buong mukha. Ilagay sa noo, ilong, ilalim ng mata, cheeks at baba.
3. Hayaan ito ng 10 to 20 minutes. Malamig at medyo titigas ito.
4. Pagkatapos ay dahan-dahang maghilamos ng maligamgam na tubig. Puwede ito gamitin bago maligo para isahan na ang paghugas.
5. Tuyuin ang mukha.
6. Ngayon, tingnan ang mukha sa salamin. Hindi ba kuminis, lumambot at gumanda ang iyong kutis? Ang galing talaga.
Ano ba ang sekreto ng oatmeal-honey mask? Ang oatmeal ay ginagamit pa noong 2,000 B.C sa Egypt, tulad ni Cleopatra. Ang oatmeal ay aprubado rin ng U.S. FDA para sa paglunas ng dry skin at eczema (yung mga may pantal-pantal).
Ang oatmeal ay may 3 sangkap: (1) may polysaccharides para i-repair ang balat, (2) may oat protein para mag-moisturize ng kutis, at (3) may saponin na nagtatanggal ng dumi at mga dead skin cells sa mukha (tinatawag na exfoliation). Para ka nang nagpa-facial.
Ang honey naman ay nakatutulong sa may pimples dahil may panlaban ito sa bacteria at pamamaga (anti-inflammatory). May iba na naghahalo rin ng plain yoghurt sa sangkap na ito. Puwede ring subukan ito.
Kaya kung wala kayong pera magpa-derma, subukan ang oatmeal-honey face mask. Puwede ito gawin ng 1 o 2 beses bawat linggo, o kung kailangan mong magpa-beauty.
Dagdag tips: Iwas sa araw, alikabok at usok. Iwas din sa sigarilyo. Ito ang mga mabilis magpakulubot ng kutis. Maglagay din ng sunblock araw-araw.