EDITORYAL - Daming aksidente dahil sa pagmamaneho nang lasing
TUMAAS ang bilang ng mga naaaksidenteng sasakyan ngayon. At ayon sa report, lasing ang driver kaya nangyari ang aksidente. May bumabangga sa poste, pader, convenient store at pati ang kasalubong na sasakyan ay binabangga. Dahil sa kalasingan ng driver, may sumasalungat (counter flow) at inaararo ang kasalubong.
Ganito ang nangyari kamakailan nang mag-counterflow ang isang itim na Hummer sa V. Luna Avenue, Bgy. Pinyahan, Quezon City dakong 5:45 ng umaga at nabangga ang isang motorsiklo. Tumakas ang Hummer. Namatay ang mga sakay ng motorsiklo. Napag-alamang lasing ang driver ng Hummer at nakatulog kaya nabangga ang motorsiklo. Natagpuan ang Hummer sa Sariaya, Quezon. Sumuko na ang driver ng Hummer at kinasuhan ng Quezon City police.
Kamakalawa, isang Sports Utility Vehicle (SUV) ang bumangga sa poste ng kuryente sa Quezon Avenue, Quezon City. Nahirapang mailabas ang lalaki sa sasakyan dahil sa lakas ng pagkabangga. Lasing na lasing ito ayon sa mga rumespondeng rescuer.
Marami pang aksidente ang nangyari dahil lasing ang driver. Ayon sa Metro Manila Development Authority (MMDA) karamihan sa mga nangyayaring malalagim na aksidente sa Metro Manila ay dahil sa pagmamaneho ng lasing at paggamit ng bawal na droga. Karamihan ay bumabangga sa pader, poste ng ilaw at haligi ng MRT. Mayroon ding head-on collision at may mga namamatay.
Nang lagdaan ang “Anti-Drunk and Drugged Driving Act” noong 2013, maraming natuwa dahil mababawasan na ang aksidente sa kalsada dahil sa mga senglot na drayber. Subalit sa halip na mabawasan, dumami pa.
Sa ilalim ng batas, ang sinumang mahuhuli na nagmamaneho na nasa impluwensiya ng alak at pinagbabawal na droga ay makukulong ng tatlong buwan at pagmumultahin ng P80,000. Kapag may napinsala at namatay, magmumulta ng P200,000 hanggang P500,000 at makukulong.
Walang pangil ang RA 10586 kaya maraming lasing ang walang takot magmaneho. Binabalewala ang batas.
Ipatupad ang RA 10586 para mailayo sa kapahamakan ang publiko sa mga nagmamaneho nang lasing. Parusahan nang mabigat ang mga senglot na driver.
- Latest