No more blame game
KUNG napapansin ninyo simula nang nanungkulan si dating Mayor Rodrigo Duterte bilang Presidente noong Hunyo 30, 2016, ay ni minsan hindi natin narinig ang mga paninisi sa nagdaang administrasyon sa kung ano mang mga pagkukulang ng pamahalaan.
Kasi nasanay tayo noon na sa simula pa lang ng administrasyon ni dating Pres. Noynoy Aquino ay wala tayong ibang narinig kundi ang paninisi kay dating Pres. Gloria Arroyo kung bakit maraming problema ang gobyerno.
Sa simula naging cute ‘yung paninisi na ginawa ni P-Noy noon na kahit saan siya mapunta, sa mga talumpati niya noon sa international gatherings --- hindi nawawala ang blame game. Hindi nawawala ang paninisi kay Arroyo sa hirap na dinadanas ng bansa.
Ngunit noong hanggang sa kalagitnaan ng kanyang termino at hanggang sa bumaba na siya sa Malacañang ay bukambibig pa rin niya si Arroyo.
At hindi na ‘yon cute dahil kailangan na rin niyang ipakita at akuin ang responsibilidad sa mga nangyayari sa kanyang administrasyon. Ngunit wala na yatang ibang kilala si P-Noy kundi si Arroyo.
At ‘yun nga ang pagkaiba ngayong si Duterte na ang kaliwa’t kanan nang nagtatalumpati sa kung saan mang pagtitipon ay ni minsan wala kang marinig na paninisi kay P-Noy o kahit sino pa mang nagdaang Presidente.
Totoong maituturing na may “dirty at killer mouth” si Duterte ngunit sa kabila nang lahat ay hindi niya naging ugali ang manisi kanino man sa kapalpakan ng pamahalaan.
- Latest