MALALA na ang sumbatan ng US at Pilipinas tungkol sa kasunduang mutual defense. Mabuti ngang maghiwalay na ang dalawa, at tumahak ng ibang pagkakasunduan.
Hindi maalis-alis ng US ang asal na kolonyalista, angal ng mga Pilipino. Ginagamit nito ang limang base militar ng Pilipinas, pero pinagkakaitan ang mga Pilipino ng modernong kagamitang pandigma. Ehemplo ang pagpayag ng Washington na bentahan ng Korea ang Pilipinas ng US fighter jets, basta walang armas. Labinglimang beses ang laki ng military aid ng US sa tatlong di-kaalyadong diktaduryang rehimen sa Middle East at South Asia, kumpara sa ka-tratadong demokratikong Pilipinas. Pati visa pinagtatampuhan ng Pilipinas. Pinagkikitaan ng US embassy ang mga Pilipinong aplikante ng US visas, samantalang nais ng US ng visa-free privilege sa libu-libong Amerikanong sundalo na nagte-training sa Pilipinas taun-taon.
Walang kuwentang kaalyado ang Pilipinas, singhal naman ng US. Pinalayas ng Manila ang US military bases nu’ng 1991. Biglang tumiwalag ang Pilipinas nu’ng 2004 mula sa Coalition of the Willing na pinangungunahan ng US laban sa Axis of Evil, dahil lang sa isang naligaw na OFW sa Iraq. Nu’ng taong ‘yon, tumiwalag din ang Pilipinas sa mga kaalyado sa ASEAN at nag-joint exploration sa China ng South China Sea -- na ikinalakas ng loob ng China na angkinin ito, kontra sa interes ng US at mundo.
Sa totoo lang, hindi makikidigma ang US para sa karapatan ng isang bansa na mangisda sa isang bahura. Hindi dapat umasa ang Pilipinas. Makakabuti sa Pilipino na palakasin ang sariling Armed Forces. Magagawa ito sa pamamagitan ng malinis na kontratahan, hindi sa kumisyonan na kinasanayan ng mga tiwaling heneral.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).