WALA na sigurong mas malinaw na mensahe para sa mga sangkot sa iligal na droga. Kapag nasa listahan ka na ng PNP o ng gobyerno na sangkot umano sa iligal na droga, totoo man o hindi, bilang na ang araw mo. Wala ring mas malinaw na halimbawa ng extrajudicial killings sa insidente ng pagpatay kay Albuera, Leyte Mayor Rolando Espinosa, na nakakulong na nga. Hindi pa rin siya ligtas sa mga kamay ng mga gusto siyang patayin, ano man ang dahilan.
Ayon sa bersyon ng pulis, lumaban daw si Espinosa at ang kasama niya sa selda nang magsilbi ng search warrant noong Sabado ng madaling araw. Alas kuwatro ng madaling araw naganap ang “barilan”. Gaano kahalaga ang masilbi ang search warrant na iyan, na kailangang gawin ng mga pulis ng madaling araw? At bakit may search warrant ka pa kung nakakulong na ang suspek? Sa lahat nang ginawang Oplan Galugad sa New Bilibid Prison, may search warrant din bang dala ang mga pulis? Nakakita ng mga baril, ilang pakete ng shabu sa selda nina Albuera at ang kasamang si Raul Yap, nang matapos na ang “barilan”. Ito ang hinahanap nila Sabado ng madaling araw? Napakahirap nang paniwalaan ang de-kahon na katwiran ng PNP na nanlaban umano ang mga suspek, kaya sila binaril at napatay. Si Espinosa ay sumuko na, pansamantalang pinatira pa ni PNP Chief Gen. Ronald dela Rosa sa kanyang tahanan sa Camp Crame. Ilang beses nagpahayag na handa siyang tumulong sa PNP, hinggil sa mga sangkot sa iligal na droga. Ito ba ang dahilan, kung bakit kailangan na siyang patahimikin at magsasalita na, lalo na’t nahuli na rin ang kanyang anak? Bakit manlalaban kung sumuko na nga, kung nakakulong na? Mabanggit na rin na nawawala umano ang CCTV ng kulungan.
Inaresto si Kerwin Espinosa sa Abu Dhabi. Hindi pa siya dinadala sa bansa. Ano naman kanyang iisipin ngayong napatay na ang kanyang ama habang nakakulong? Baka ganun na rin ang mangyari sa kanya, kapag nakabalik na sa Pilipinas. Hindi kaya magsalita na siya sa Abu Dhabi, habang hindi pa siya naaabot ng mga gustong patahimikin na rin siya?
Natural, magkakaroon ng imbestigasyon sa nasabing insidente. Ngayon, mga senador ang nagpapahayag na extrajudicial killing ang nangyari kay Espinosa. Hindi ba iyon nga ang sinasabi noon pa? Kaya nga may imbistigasyon noon sa Senado, na pinatigil na nga. Ngayon, bubuhayin na naman ang imbistigasyon? Nangako si Dela Rosa na hindi pagtatakpan ang mga may sala, kung meron man. Nasaan si Dela Rosa? Nasa Las Vegas, nanood ng laban ni Sen. Manny Pacquiao. Napakaganda nga naman ng timing. Habang wala sa bansa ang PNP chief, may inilabas na search warrant, para sa isang taong nakakulong na, Sabado ng madaling araw, na nauwi sa barilan. Maniniwala pa kaya ang mamamayan dito?