Pabor na pabor
SA kabila ng nakuhang malaking halagang pautang at puhunan mula sa China, bunga ng pagpunta ni Pres. Rodrigo Duterte roon, may mga lumalabas nang detalye hinggil sa mga kompanya na planong pumasok sa Pilipinas. Isa ay kompanya na kabilang sa mga lumikha ng mga artipisyal na isla sa Spartlys ang lilikha rin ng mga artipisyal na isla sa Davao City. Apat na isla ang planong malikha sa karagatan. Mukhang hindi na talaga isyu sa administrasyon ang paglikha ng China ng mga artipisyal na isla sa Spratlys, kung sila rin pala ang gagawa ng mga artipisyal na isla sa Pilipinas.
May mga kompanya naman na “blacklisted” ng World Bank, o sangkot sa mga dating maanomalyang proyekto sa Pilipinas na kabilang din sa mga gustong mamuhunan sa Pilipinas. Hindi ko alam kung alam ito ni Duterte o ng kanyang mga tauhan. Dalawang kompanya ang dinemanda dahil sa mga anomalya, isa rito ang Sinomach na humawak ng Northrail project. Sampung taon inabot ang kaso, kung saan nanalo ang gobyerno. Ngayon, babalik na naman sila? Hindi ba sapat ang nangyari sa Northrail para huwag na silang makapasok muli sa bansa? O ang tingin ng Sinomach ay mas makakausap itong administrasyon, dahil pabor na pabor naman sa China si Duterte?
Nabanggit ko na masyadong maaga para matuwa sa mga naging bunga ng biyahe ni Duterte sa China. Hinihikayat ngayon ang Palasyo na alamin kung bakit ang mga kompanyaag nabanggit, na may mga masasamang rekord dito at sa ibang bansa, pati sa World Bank ang nakalagda sa mga kasunduan. Ayon sa BCDA, wala pa namang kontrata, puro kasunduan pa lang. Hindi ibig sabihin na ang mga nakalagda sa kasunduan, na ayon sa BCDA ay magsisigawa pa lang ng pag-aaral sa mga nasabing proyekto, ay sila na rin ang hahawak. Kapag dumating na ang panahon na kailangang siyasatin nang husto ang mga kumpanyang hahawak, gagawin nila ito. Parang may mali yata sa proseso na iyan. Kung kilalang may masamang rekord na ang isang kumpanya, bakit kakausapin pa? Kung may kriminal na rekord na ang gustong mamasukan sa iyong tahanan, makikipagkasunduan ka pa ba, o hahanap ka ng may malinis na rekord?
- Latest