WALANG alyansang militar ang Pilipinas at China. Ito ang tiniyak ni Pres. Rodrigo Duterte kay Japanese Prime Minister Shinzo Abe nang mag-usap sa Tokyo. Malinaw na nabahala ang Japan sa mga maaanghang na batikos ni Duterte sa US nitong mga nakaraang buwan, pati ang kanyang pahayag sa Beijing na hihiwalay na ang bansa sa US sa larangan ng militar at ekonomiya. Malakas na kaalyado ng Japan ang US sa maraming bagay, partikular sa seguridad ng bansa at rehiyon.
Nagpahayag din kasi si Duterte na sang-ayon siya sa joint military exercises ng Pilipinas, China at Russia, habang pinatitigil na ang mga ehersisyo kung saan kasabay ang mga sundalo ng US. Tila nagsusunog ng kandila ang administrayon para kanselahin na ang EDCA, VFA at Mutual Defense Treaty. Sinundan pa ng pahayag kailan lang ang gusto niya ay wala nang dayuhang sundalo sa bansa sa loob ng dalawang taon. May mga Amerikanong sundalo pa sa Mindanao, kararating lang nga ayon sa Western Mindanao Command. Wala pa naman daw opisyal na utos na paalisin na ang mga Amerikano.
Nangako rin si Duterte na kabalikat ng Japan ang Pilipinas pagdating sa mga isyu sa South China Sea. Hindi pababayaan ng Pilipinas ang Japan. Siguro puwedeng sabihin na hindi ilalaglag ang Japan. Alam ko ang mga isyu na iyan. May mga sariling problema ang Japan sa China hinggil sa teritoryo. Ayon kay Duterte, pagdating ng tamang panahon, kung kailan man iyan, ang iiral ay ang desisyon na inilabas ng Permanent Court of Arbitration, kung saan wagi ang bansa sa kaso laban sa China. Kaya kung ano ang basa nito ng Beijing ngayong may ilang bilyong dolyar ng pautang at puhunan ang pinagkasunduan na sa pagitan ng Pilipinas at China ay hindi pa natin alam.
Masabi ko lang. Matindi ang ginawa ng US sa Japan noong World War 2. Dalawang beses binagsakan ng atomic bomb ang Hiroshima at Nagasaki. Agad namatay ang higit 100,000 tao sa mga siyudad na binagsakan. At ang epekto ng radiation dahil sa uri ng sandata ay naramdaman ng ilang taon, ilang henerasyon. Taun-taon, ginugunita ang pagbabagsak ng atomic bomb sa dalawang siyudad. Ang Japan pa lang ang tanging bansa na ginamitan ng atomic bomb. Pero malakas at matibay ang alyansa ng Japan at US ngayon.