13th month pay ibibigay na
SANG-AYON ako sa panukala ni Quezon City Congressman Winston Castelo na ibigay na sa unang linggo ng Nobyembre ang 13th month pay o bonus ng mga pribadong kompanya sa kanilang mga empleyado. Tama ang sabi niyang mas mabuti kung maibigay ito ng mas maaga para maplano ng ating mga kababayan ang kanilang mga bibilihin. Alam naman natin na habang papalapit ang Pasko ay tumataas ang presyo ng mga bilihin at kung minsan ay nagkakaubusan pa ng stocks.
Sa ganitong paraan ang ating mga kababayan ay may pagkakataong piliin ang mga gustong bilhin para sa kanilang pamilya. Lalo pa ngayon na sabay-sabay ang mga sale sa mall. Marami silang mabibiling pangregalo. Maiiwasan din ang rambulan sa pamilihan.
Ang problema sa ating mga Pilipino laging last minute kung gumalaw. Kahit sa pagbabayad ng buwis at ibang bayarin, kung kailan malapit na ang deadline saka nagkukumahog magsipagbayad. Ganun din sa pamimili kung kailan maraming tao saka nakikipagsabayan at ang resulta matinding trapik.
Ngayong taon, kumilos tayo nang mas maaga para maiwasan ang matinding siksikan na lalong tumitindi habang papalapit ang Pasko. Kapag pinakinggan ng employers ang pakiusap ni Castelo, mababawasan ang pagsisikip ng trapiko at siksikan ng mga tao sa mall lalo na sa Metro Manila. Para sa akin, maganda ang panukalang maibigay ng mas maaga ang bonus ng mga manggagawa.
Sa kabila nito, ito ay isa nang batas. Mabuting maibigay na ito nang maaga sa kanilang mga empleyado para maiwasan ang “carmageddon” sa pagpasok ng Disyembre.
Ang mga negosyante rito sa atin at sa iba’t ibang bansa na rito nakabase ay puwede natin silang tawaging Santa Claus in November. Hindi ba ayos?
- Latest