Ingay

SINABIHAN ni Finance  Sec. Carlos Dominguez ang mga opisyal ng Moody’s Investor Service na huwag silang maabala sa “ingay pulitika”. Tiniyak niya na nakatutok daw si Pres. Rodrigo Duterte sa “socio­economic agenda” ng bansa, para maibsan ang kahirapan at gumanda ang ekonomiya. Pero para sabihin niya iyan, ibig sabihin ay may ingay talaga. Ingay na sa tingin ng marami ay nagkakaapekto na rin sa ekonomiya ng bansa. Parang sinabi na rin niya na huwag pansinin ang mga ingay na naririnig mula sa bansa. Pero ang tanong, sino ba ang “maingay”? Sino ang hindi dapat pansinin ng mga negosyante at mamumuhunan?

Nakita na ang tila tuloy-tuloy na paglabas ng pera mula sa stock market, na dating sinabi ni Duterte na wala siyang pakialam kung mag-alisan na silang lahat dahil hindi naman ito tunay na kapital para sa bansa. Halos araw-araw ang banat niya sa US, UN at EU, na nagkakaroon na ng epekto sa mga negos­yante at mamumuhunan. Ang industriya ng mga call center ay may pangamba na rin sa mga pahayag ni Duterte.

At tuloy-tuloy pa rin ang “ingay”. Kailan lang ay nagpahayag si Duterte na ang kanyang mga banta na “papatayin niya ang mga kriminal” ay walang mali. Ito ang kanyang depensa sa tila babala ng International Criminal Court (ICC) na maari siyang kasuhan dahil sa pag-uudyok na pumatay nang maraming tao. Nababahala na rin ang ICC  sa dami ng mga namamatay sa mga operasyon ng pulis sa iligal na droga, kung saan libo ang napapatay ng mga hindi kilalang tao. Sinabi niya na matutuwa siyang pumatay ng tatlong milyong drug addict, at inihambing ang ginawa ni Adolf Hitler sa mga Hudyo noong World War 2.

Ito ang mga “ingay” na ayaw sana ni Dominguez pansinin ng Moody’s, pati na rin ng mga negosyante at mamumuhunan sa mundo. Pero dahil mula sa Presidente ng Pilipinas ang “ingay”, mahirap hindi mapansin. Si Duterte na mismo ang nagsabi na hindi na siya mayor ng siyudad lang, kundi Presidente ng Pilipinas. Pinuna na nga ni dating Pres. Fidel Ramos ang “ingay” na iyan, at pinayuhan ni Sen. Dick Gordon si Duterte na “huwag masyadong magsalita”. Sinabi ni Defense Sec. Delfin Lorenzana na hindi kukulangin ng paradahan sa rehiyon ang war ships ng US, kung sakaling mawala na ang kasunduan sa Pilipinas. Baka dahil sa mga “ingay” ay maghanap na rin ng mas tahimik na paglagyan ng kanilang pera ang investors. Hindi rin sila magkukulang ng puwedeng paglagyan ng pera sa rehiyon, o sa buong mundo.

Show comments