HINDI dapat alisan ng buhay, kalayaan, o ari-arian ang sinumang tao nang hindi sa kaparaanan (due process) ng batas, ni pagkaitan ang sinumang tao ng pantay na pangangalaga ng batas. ‘Yan ang unang talata ng Bill of Rights, ang buod ng Saligang Batas.
Tiyak, walang due process sa pagpatay ng vigilantes sa umano’y drug pushers. Hindi sila umaayon sa batas. Nakakubli ang mukha at sa dilim sila nandudukot ng suspek. Walang arrest warrant, paghabla o paglitis, o huling hiling bago barilin o martilyohin ang bungo.
Nasaan ang due process, anang mga kritiko, sa pagngangalan at pagpapahiya ni President Duterte ng “narco-generals” batay lang sa hilaw na intelligence gatherings? O kung “shoot on sight” ang utos niya, miski ba eksaherado, matapos pangalanan din ang “narco-politicos” at “narco-judges,” pati mga matagal nang patay? Na-trial by publicity at hinatulan na sila ng pinaka-mataas na pinuno ng bansa.
Nasaan din ang due process, angal naman ng mga maka-Duterte, kapag malakas at mayaman ang sangkot? Bakit nananatili sa puwesto ang isang meyor, sa ngalan ng due process, matapos umamin na ang anak na si Junior ang drug lord ng bayan nila? Hindi ba’t siya ang pinaka-responsable sa pagpapatupad ng batas sa pook? Bakit hindi siya papanagutin sa lakas ni Junior. Aba’y napatay ang umano’y anim na maton na nanlaban sa pulis sa bahay ng meyor, direkta pa siyang sinangkot ng mga kasambahay sa droga, at nakasabat ng P88.8 milyong halaga ng shabu sa bahay ni Junior sa tabi ng sa kanya. Samantala, limang beses nang hinuli noon si Junior pero pinakawalan kaya nakabalik sa pagdodroga. Meron daw kasing 500 milyong rason, malilinang sa gan’ung halaga ng returned checks na ibinayad sa mga heneral at huwes.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).