SISIYASATIN ng UN human rights agencies ang patayan ng drug pushers at addicts sa kapuloan. Tiyak papanagutin ang gobyerno, kasi ‘yun ang kumakatawan sa Pilipinas sa international organization. Maghahanap ang UN ng mga tetestigo na nilabag ng gobyerno ang karapatang pantao ng mga napatay. Ididikit ang mga testimonya sa mga pahayag ni President Rody Duterte ng “shoot on sight” at “patayin lahat” ng pinaghihinalaan.
Sa kabilang dako, digmaan ang pananaw ng Duterte admin sa paglipol sa salot na droga. At sa digmaan, natural lang magtamo ng casualties. Inuulat na karamihan ng napapatay ay mahihirap na nakasuot ng basketball shorts at tsinelas na goma, at nanlaban sa pamamagitan ng kalawanging .38-caliber revolver, kaya nabaril ng pulis. Pero meron din ilang insidente kung saan nabaril o namatay ang pulis.
At miski kaduda-duda ang pare-parehong eksena ng barilan, natutuwa pa rin ang mamamayang Pilipino. Nauubos kasi ang mga kriminal sa komunidad nila. Panig ang mamamayan sa “war on drugs.” Kaya nga 91% ang trust rating ni Duterte. Lalabas na walang basehan ang UN usisain ang gobyerno ng Pilipinas, dahil hindi naman umaangal ang madla laban sa patayan.
Ganunpaman, pangunahan na sana ni Duterte ang UN. Ipatigil niya ang patayan na hindi authorized. Dalawang uri ng patayang nagaganap: ang mga nanlaban sa pulis, at mga “pinatahimik” ng kung sinong vigilantes. Pinaimbestigahan na ni Duterte ang pangalawa. Pero wala pa ring resulta mula sa PNP at NBI. Singilin na niya ang dalawang ahensiya. Ang pagpigil, paghuli, at pagsakdal sa vigilantes ay katunayan na itinataguyod ni Duterte ang batas. Mapapanatag ang UN, at mananatili ang tiwala sa kanya ng mamamayan.
* * *
Makinig sa Sapol, Sabado, 8-10 ng umaga, DWIZ (882-AM).