(Unang Bahagi)
Hotlines: 09198972854
Tel. Nos.: 7103618
ANG PAGIGING inosente ng isang dalagita ay hindi mo maaaring samantalahin dahil sa huli mga rehas na bakal ang iyong hihimasin.
“Matagal siyang nagtago. May warrant na pero ang manager niya mukhang nakokontak pa siya,” sabi ni Shiela.
Una na naming naitampok sa aming pitak ang istorya ng anak ni Shiela Manalo na itinago namin sa pangalang “Pamela”. Pinamagatan namin itong “Si idol at ang fan”.
Sa isang pagbabalik-tanaw ‘high school student’ pa lang si Pamela nang makilala niya si Rolando “Jolly” Agabao Diaz. Pambato sa pagandahan ang katorse anyos na si Pamela habang kilala namang gumaganap sa teatro si Jolly.
Naging idol ni Pamela si Jolly. Naging miyembro din ng DKY crew.
Nagpalitan ng cellphone numbers ang dalawa nang i-add ni Pamela si Jolly sa Facebook. Mula sa simpleng pag-aya nito sa mga palabas at gigs panliligaw na ang gusto ni Jolly kay Pamela.
Binatang ama ang pakilala sa kanya ni Jolly at bente sais lang daw siya. Naging magkarelasyon ang dalawa.
Nagkalabuan at nagkabalikan. Valentine’s day nang makipagkita si Jolly kay Pamela. Magpapasama lang daw itong uminom. Bitbit ang alak at ilang inumin pumasok sila sa apartelle.
“O baka naman ngayon pa magbago ang isip mo?”
“Ayoko pa, bata pa ako,” sagot ni Pamela.
Sa kabila ng pagtanggi ay napainom ng alak si Pamela na naging dahilan kung bakit siya nahilo. Dun na siya inihiga sa kama, pinaghahalikan at ibinaba nito ang suot na panty.
Nakuha na ni Jolly ang kanyang pagkababae. At ilang beses pa raw itong nangyari. Hindi raw siya makalakad dahil dinugo siya.
Hindi nakapagsumbong sa magulang si Pamela dahil sa takot at kahihiyan. Naulit pa ang pagdadala sa kanya ni Jolly sa apartelle. Kung anu-ano raw ang pinagawa nito sa kanya at naging sunud-sunuran siya.
Nangako naman si Jolly na kung may mangyari kay Pamela ay pananagutan niya ito.
Napansin ni Shiela na ‘delayed’ ang anak kaya tinanong niya ito kung bakit hindi pa dinadatnan dahil madalas ay magkasabay silang mag-ina.
Nagalit si Shiela at pinilit ang anak na magtapat sa kanya. Napaiyak na lang si Pamela at saka inamin na may nangyayari sa kanila ni Jolly.
Ipinaalam niya kay Jolly na delayed siya pero sagot sa kanya “Kung may laman yan ipatanggal mo! Hindi pwede yan! Sige nasa ‘yo yan…naag-aaral ka pa nga. Isa pa may anak ako…paano ang trabaho ko? Balak kong magbarko.”
Sa huli napag-alaman nilang hindi buntis si Pamela.
Pinilit naman ni Shiela na dalhin sa Women’s Desk ng Quezon City si Pamela at sumailalim ito sa ‘medical examination’.
Marami pa silang pinagdaanan bago pa makuha ang buong address nitong si Jolly para makapagsampa ng kaukulang kaso.
Nagpunta nun sa aming tanggapan si Jolly upang magbigay ng kanyang panig. Itinanggi niya ang lahat ng akusasyon sa kanya ni Pamela.
Trenta anyos na raw siya at nakatira sa Manggahan, Pasig.
“Totoong may nangyari sa ‘min. Walang pilitan dahil kami’y nagmamahalan nung panahong may nangyari sa amin,” sabi ni Jolly.
Ang ina raw ni Pamela ang dahilan ng lahat. Gusto raw ni Shiela na maging magkarelasyon pa rin sila. Kung hindi idedemanda siya ng mga ito.
Kusang loob daw sumama sa apartelle si Pamela. Inamin niya na pinainom niya ng alak pero isang shot lang daw. Tinanong niya pa ito kung handa na ba siya sa gagawin nila. Oo raw ang sagot ni Pamela.
Apat na beses may nangyari sa kanilang dalawa. Nagkalabuan na naman dahil sa palaging nag-aaway. Dito na nagsimula ang umano’y intriga sa kanya na ginahasa niya umano si Pamela.
Nagkaharap sina Pamela at Jolly at iginiit ng dalaga na pinilit siyang may mangyari sa kanila. Kapag tumatanggi sinasabihan siyang ‘Bahala ka sa buhay mo’.
Lumapit sa National Bureau of Investigation (NBI) ang pamilya ni Pamela at may naatasang agent na humawak ng kaso sa imbestigasyon.
Nagsampa ng kasong Rape, Simple Seduction at Violation of RA 7610 sa Quezon City Prosecutor’s Office sina Pamela. Ang humawak ng kaso ay si Asst. City Prosec. Vivien Balisi-Manahan.
Ilang beses naming nilapitan si Prosec. General Claro Arellano para ireklamo kung bakit matagal magbaba ng resolusyon. Lampas na sa oras na itinakda sa kanya para maresolba ito.
Ika-5 ng Nobyembre 2013 nang makatanggap ng resolusyon sina Pamela. Nakitaan ng ‘probable cause’ para makasuhan ng 3 counts of Rape sa ilalim ng RA 266-A Paragraph 1 (a) of the Revised Penal Code si Jolly dahil sa sumusunod.
Katorse pa lang si Pamela at maliwanag na siya’y hindi pa lubusang naiitindihan ang ibig sabihin ng SEX. Kahit na magkarelasyon ang pagtatalik ay dinaan sa pwersahan.
Dahil ‘di nakapagsumite ng ‘psychiatric report’ sina Pamela na magpapatunay na nagkaroon ito ng ‘trauma’ sa nangyari walang sapat na basehan para makasuhan si Jolly ng Child Abuse o R.A 7610.
‘No Bail Recommended’ o walang piyansang maaaring ilagak si Jolly. Si Judge Cecilyn Burgos-Villavert ang humawak nito.
Ilang taon na ang itinakbo ng kaso. May ‘warrant of arrest’ na itong si Jolly ngunit hindi pa ito nahuhuli hanggang ngayon.
May tumawag din daw sa kanila na nagpakilalang ‘agent’ ng NBI. Tanong daw nito sa kanila kung gusto ba nilang iurong na lang ang kaso.
ABANGAN ang karugtong ng kwentong ito sa MIYERKULES. EKSKLUSIBO dito lang sa CALVENTO FILES sa PSNGAYON.
(KINALAP NI CHEN SARIGUMBA)
SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal maaari kayong magtext sa 09198972854, 09051090451 at sa gustong maka-usap ako ng diretso sa 710-3618.
Maaari din po ninyong i-like ang www.facebook.com/tonycalvento o i-type na rin ng diretso sa Facebook sa Tony A. Calvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.
***Kung sino man ang nakakita o may impormasyon sa larawan sa baba ay ipagbigay-alam lamang sa amin sa pamamagitan ng mga numero sa itaas.