ANG sabi ni President-elect Rodrigo Duterte papayagan niya ang ”shoot-to-kill” sa mga kriminal na mahuhuli at manlalaban kapag inaresto. Hindi tayo pabor diyan.
Kung may haragan na kriminal sa mga sibilyan, mayroon ding haragan sa hanay ng mga unipormadong pulis. Kahit nakaposas na ang suspek sa krimen ay sasabihing nang-agaw ng baril kaya tinuluyan. Iyan ay isang open secret na alam nating lahat. Alam din natin na sa maraming pagkakataon, may mga suspek na tinatamnan ng droga at ibang ebidensya ng pulis.
Maganda ang layunin ni Duterte. Pero may iba namang paraan para ipakita sa taumbayan na may ngipin ang batas. Basta’t ayusin lamang ang justice system. Purgahin ang pulisya sa mga tumatanggap ng lagay gayundin ang hudikatura para mawala ang mga hukom na nagbababa ng maling hatol kapalit ng salapi o pabor.
Mawawalan kasi ng silbi ang rule of law kung antimano ay ililigpit mo na ang taong pinaghihinalaang dawit sa krimen nang hindi sumasailalim sa paglilitis. Kung hindi lilinisin ang justice system at ang pulisya, talagang ang katarungan ay magiging para sa mga may salapi lang na kayang paikutin ang batas.
Kahit ngayon ay naniniwala akong may mga nakakulong sa piitan na walang sala at biktima ng kawalan nang katarungan.
Naniniwala naman ako na kayang gawin ni Duterte ang paglilinis sa sistema dahil sa kanyang tapang at determinasyon na ireporma ang pamahalaan.
Pabor din ako sa bitay lalu na sa mga kriminal na tila wala nang kaluluwa na matapos magnakaw ay papatayin pa ang ninakawan. Pero kung walang ipinaiiral na rule of law, papaano mapapatibayan na guilty beyond reasonable doubt ang isang pinaghihinalaan?
Nakakakilabot isipin na ang isang bilanggo ay bibitayin nang hindi naman pala tunay na nagkasala samantala ang tunay na may kasalanan ay nagdiriwang sa laya. Sa ibang salita, ayusin muna ang sistema at magtalaga ng mga opisyal at tauhan na tapat, mabuti at may takot sa Dios.