EDITORYAL - Walang ‘gugulong’ na ulo sa NAIA
NAGBALIK ang “tanim-bala’’ sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) makaraan ang dalawang buwan na pananahimik. Nagpahinga lang at bumanat na naman. At ang nakaiirita, kahit nagbalik ang “tanim-bala” walang balak si President Noynoy Aquino na magsagawa ng revamp sa NAIA. Walang mangyayaring pagpapalit ng namamahala sa airport. Ibig sabihin, kahit pa marahil magkaroon pa nang sunud-sunod na “tanim-bala” sa loob nang nalalabing araw sa termino ni P-Noy, walang “gugulong na ulo” sa NAIA. Mananatili pa rin sa puwesto ang kamag-anak na si MIAA General Manager Jose Angel Honrado.
Sabi ng Malacañang, hindi raw nakapokus ang pamahalaan sa pagbalasa o pag-aalis sa puwesto ng namamahala sa airport. Mas pinagtutuunan daw ng pansin ng pamahalaan ang kapakanan ng airline passengers sa tatlong terminals ng NAIA. Mas mahalaga raw ang pagprotekta sa mga pasahero laban sa mga may masasamang intensiyon habang nasa airport. Hindi raw papayagan na may mag-take advantage sa mga pasahero.
Pero di ba’t tungkol din sa kapakanan ng pasahero ang nangyaring “tanim-bala” sa isang 75-anyos na babaing patungo sa US para magpagamot? Nahulihan ng bala sa kanyang bagahe si Salvacion Cortabista nang idaan ito sa huling x-ray scan. Sabi ng asawa ni Salvacion na si Esteban, naidaan na sa dalawang x-ray ang bagahe at nagtaka sila sapagkat sa ikatlong x-ray ay may bala na. Aanhin daw nila ang bala? Hindi naman daw ito nakakain. Pati ang pamangkin ng mag-asawa ay nagsabing sinira raw ang kanilang pagkatao dahil sa “tanim-bala”.
Nakapokus daw ang Malacañang sa kapakanan ng pasahero. Tila hindi ito tumutugma sa mga nangyayari ngayon sa airport na ang isang matandang halos hindi makalakad ay tinaniman ng bala. Mauulit pa ang pangyayaring ito at tiyak ganito uli ang sasabihin ng Malacañang.
Habang marami ang nangangambang pasahero o mga OFW sa pagbabalik ng “tanim-bala”, kampante naman ang general manager na hindi magagalaw sa puwesto. Matibay dahil nakasandal sa pader. Walang magagawa kundi magtiis na lang ang mga apektadong pasahero. Mahigit dalawang buwan na lang ang Aquino administration at kasamang bababa ang namamahala sa airport.
- Latest