NGAYONG tag-init, dagsa na naman ang ating mga kababayan sa mga resort, water parks at mga dalampasigan upang magbakasyon at magpalamig. Ngunit para sa ilang mahihirap na pamilya, ang Manila Bay na ang nagsisilbing kanilang pasyalan at languyan.
Bagama’t paulit-ulit ang paalaala ng pamahalaan hinggil sa peligrong dulot ng paliligo sa Manila Bay, marami pa rin ang lumulusong dito upang maibsan ang init na nararamdaman na hindi inaalintana ang mga panganib sa kalusugan na maaaring idulot nito.
Sa ilang pag-aaral, lumalabas na mataas ang polusyon sa Manila Bay. Marumi ang tubig nito at hindi angkop na paliguan ng sinuman. Sa katunayan, hindi ito pumapasa sa mga water safety standards sa mahabang panahon.
Ayon sa local health department, lubhang mataas ang coliform level dito at nagtataglay ito ng dumi ng tao at hayop. Naiulat din na mayroon din itong langis na maaaring tumatagas sa mga barkong dumadaong dito na nagdadala ng mga kargamento at manlalakbay o kaya ay direktang itinatapon sa tubig. Natatangay at naiipon din dito ang mga basura mula sa mga karatig na lungsod at mga probinsya. Naaanod at umaabot din sa Manila Bay ang pestisidyo mula sa mga taniman kalapit na lugar.
Malinaw na mapanganib ang paglalangoy sa Manila Bay. Kaya naman, ipinapatupad ng Maynila ang ordinansa na nagbabawal sa paglangoy dito. Kapag nalantad ang balat sa maruming tubig, maaaring magkaroon ng sari-saring sakit at impeksyon gaya ng pigsa, galis, at fungus. Mas malubhang sakit naman ang maaaring makuha gaya ng diarrhea, pagkasira ng organs, panghihina ng memorya, pagkalason ng reproductive system, at cancer kapag nainom ang nakakalasong tubig.
Umiwas ang publiko sa paliligo sa Manila Bay at bigyang halaga ang sariling kalusugan kaysa sa pansamantalang kasiyahan at ginhawa. Ang paglangoy dito ay maaaring magdulot ng malubhang sakit na maaaring pagsisihan sa huli.