NAITANONG ko sa isang abogado kung paano nililibang ang sarili kapag nag-time out muna sa mabigat na trabaho. Ang sagot niya ay nagkakape o di kaya’y nakikinig sa music. Dati rati ay hindi ikagugulat ang ganitong klaseng sagot. Subalit ngayon, dahil sa sobrang lawak na ng distribusyon ng mga smart phones at iba pang digital device na may access sa internet, ang pinakakaraniwang paraan ng paglibang sa sarili ay ang social media, ang surfing the web o ang maglaro ng computer games. Mabibilang sa isang kamay ang magsasabing wala silang digital existence.
Hindi raw siya nakikisabay sa mga kaibigan at sa mayorya ng lipunan dahil, aniya, ang daming nasasayang na oras sa pagbabad sa internet. Dito’y tila walang katapusan ang impormasyong nalalagap tungkol sa ano mang bagay na nais mong malaman. Ang bottom line ay apektado ang kakayanan ng tao na maging productive sa kanyang araw. Wala namang pumipilit sa iyo na malulon sa ganito. Kapag na-addict ka, ito’y desisyon mo.
Iba ito sa mga umaapekto sa iyong pagiging productive na labag sa kagustuhan kagaya ng traffic. Wala tayong kalaban-laban sa pahirap na dinudulot ng traffic sa ating daily schedule. Nakakailang dagok na rin ang administrasyon sa hindi mapabilis at maiayos na daloy ng trapiko sa lungsod. Araw araw ay ninanakawan tayo ng oras ng kawatang traffic.
Kaya musika sa taynga ang matagal nang panukala ni Vice President Jejomar Binay na paghiwalayin ang mga responsibilidad ng Department of Transportation and Communication (DOTC) upang magkaroon ng tukoy na tukoy na atensyon ang ahensya sa problema ng traffic. Ayon kay VP, mga 16 na iba’t ibang ahensiya ang attached sa DOTC kung kaya kalat talaga ang atensiyon nito. Kahit ang MRT lamang ay hanggang ngayo’y di masolusyonan. Kapag siya ang Presidente, gagamitin daw nito ang kapangyarihan ng tanggapan ng Pangulo upang personal na ayusin ang suliranin ng MRT at ng traffic.
Ganitong konkretong plano at pag-unawa ang kinakailangan upang bigyan tayo ng kumpiyansa na may pag-asa pang mabago ang traffic problem at maibalik sa mamamayan ang ilang oras sa bawat araw na ninanakaw sa atin.