‘Para-paraang kawat ng pondo’

TECHNICALLY speaking, tama ang Commission on Elections na hindi kasama sa campaign ban ang mga on-going pro­ject na nasa ilalim ng Private Public Partnership (PPP).   

Lahat ng mga nasimulang proyekto na aabutan ng eleksyon, tuloy lang at hindi pwedeng maantala o mahinto. Subalit, hindi ito ang isyu. Ang totoong isyu ay ang pananamantala ng mga pulitiko sa mga proyekto, aktibidades at programa ng gobyerno.  

Oo nga hindi kasama sa Comelec ban ang PPP projects­ pero taktika ito para makakuha sila ng boto. Ang estratehiya, depende kung saang rehiyon at lalawigan ibubuhos ang pondo, magkano at kung sinong pulitiko ang bibigyan ng proyekto. Alam ito ni DBM Sec. Butch Abad.

Ito ‘yung mga transaksyong pilit pinanghihimasukan at tala­gang ipinaglalaban ng patayan ng mga kongresista. Walang pinagkaiba sa mga farm-to-market road projects na milyones din ang pondo. Kung kailan election season, saka lang maglalabasan.

May ibang mga inilalabas sa media, mayroon namang hindi depende kung sino ang nakaupo. Kung kakulay at kapartido, ilalabas sa balita para dagdag pogi points. Pareho lang ang estratehiya ng PPP at FMR, ibubuhos ang milyones kung saan maraming tao at madaling makita ang proyekto.   

Ang mga kapalmuks hindi pa makuntento. Ilalagay pa ang kanilang mga namamagang mukha at mababantot na pangalan para lang sabihing may nagawa sila at may maiiwang ­recall sa isipan ng tao. ‘Yan ang trabaho ng mga suwapang, dupang, gahaman at ganid na mga pulitiko. Inaako ang pondo ng gobyerno na mula sa buwis ng tao.  

Habang papalapit ang eleksyon, siguradong marami pang mga proyektong lulutang. Ito ang ipagmamalaki nilang accomplishments para mapansin ng tao.      

Abangan ang BITAG Live araw-araw na sabay na napapanood at napapakinggan tuwing alas 10:00-11:00 ng umaga sa Radyo5 92.3 News FM at AksyonTV. Para sa digital streaming, mag-log on sa bitagtheoriginal.com.

Show comments