Maitim na agenda vs Presidentiable Grace

DETERMINADO ang mga ayaw kay Presidential bet Grace Poe na maalis siya sa eleksyong pampanguluhan. Sa bago nilang hakbang, tila ginagawang tanga ng mga kalaban ni Grace ang mga justices ng Korte Suprema sa petisyong ipatigil ang isang political ad na ginastusan ng mga taga-suporta ni Grace. Anang mga petitioner sa pangu­nguna ni dating Senador Kit Tatad baka raw maimpluwensyahan ng naturang paid ad sa magiging desisyon ng Kataas-taasang Hukuman”. Ha!!!

Naghain ng “urgent manifestation” ang kampo ni Tatad laban sa commercial na inihahalintulad ang nagaganap ngayon sa Senadora sa nangyari sa kanyang yumaong amang si Fernando Poe Jr. na inupakan  din ng kanyang mga katunggali dahil sa isyu rin ng citizenship, at sa bandang huli ay kinatigan ng Kataas-ta­asang Hukuman. Na­unang umangal si Atty. Estrella “Star” Elamparo na nagsabing “mind conditioning tactic” ang komersyal ni Grace para pumabor ang SC sa senadora.

Halatang takot sina Tatad at Elamparo na katigan ng Korte Suprema si Poe, na pilit na tinatanggalan ng karapatan sa pagkandidato dahil daw isa siyang pulot o foundling. Minemenos yata ng dalawa ang kakayahan ng mga mahistrado na malayang makapagpasya.

Kung kampante sila na mananalo sa kaso laban kay Grace, eh bakit ngayon ay nagkukumahog silang ipatanggal ang isang patalastas na ang layunin lang naman ay ipaliwanag sa publiko na hindi pa tanggal sa karera ng kumakandidato sa pagka-pangulo si Grace? Baka naman natatakot silang maputukan sakaling hindi nila magawa ang kanilang misyon na idiskaril si Grace na nagtamo ng 20 milyong boto nang tumakbo bilang senador noong 2013? At bakit hindi sila umalma nang kumandidato si Poe sa pagka-senador noong 2013? Alam naman ng buong Pilipinas na pulot lang si Grace Poe noon pa bago ito inalagaan at pinalaki na parang kanila ng Hari at Reyna ng Pelikulang Pilipino na sina FPJ at Susan Roces, bakit ngayon lang ito naging isyu? Pasensya na at talagang hindi lang natin maiwasan ang magtaka, kung hindi man, ang mamangha sa mga taong ito na nagsasabing ginagawa nila ito dahil sa kanilang pagiging makabayan. Owws?

Show comments