Mag-isip na ng mga solusyon
SINISI ang matinding trapik na naganap sa EDSA noong Biyernes sa road reblocking. Sana nga ito ang dahilan, isama na rin na nataon na araw ng sahod, ng masamang trapik, at hindi na ito ang karaniwang trapik na kailangang harapin araw-araw. May naglabas ng babala na ang Metro Manila ay hindi na matitirahan paglipas ng apat na taon kung hindi masosolusyunan ang trapik.
Pero may napanood ako sa National Geographic, kung saan ipinakita ang iba’t ibang lugar sa mundo. Sa New Delhi, India, mas matindi ang trapik kumpara sa Metro Manila. Ang India ay may populasyon na higit isang bilyong katao. Sa isang lugar sa New Delhi malapit sa palengke, may pedicab drayber na nagsabi na minsan umaabot ng tatlong oras para makausad lang ng ilang metro. At halo-halo ang mga bumabaybay ng kanilang kalsada. Bukod sa mga sasakyan, nandyan ang mga pedicab, mga kalabaw na humihila ng mga karitela, pati ang napakaraming tao na naglalakad kung saan-saan.
Pero sige pa rin ang mga tao roon. Nasasanay at binubuno na lang ang matinding trapik na karaniwan na sa kanilang buhay. Kaya kung sa tingin natin ay matindi na ang trapik sa Metro Manila, magpasalamat na muna at hindi pa tayo umaabot sa tindi ng trapik tulad sa New Delhi. Pero nasa higit 100 milyon na rin ang ating populasyon, at maaaring tumaas pa, sa kabila ng pagdami ng mga sasakyan at kakulangan ng kalsada. Kaya ngayon pa lang ay kailangang mag-isip na rin ng mga solusyon.
Ang pagdami ng mga sasakyan sa kalsada ang ta-nging dahilan ng matinding trapik. Marami ang nakakabili na ng kanilang sariling sasakyan. Maraming mga sasakyan ang isang tao lang ang laman. Kung lima o anim ang pwedeng isakay sa isang sasakyan, hindi ba sayang lang ang mga walang lamang upuan? Kaya mahalaga ang isang epektibong pampublikong sasakyan. Ang mga LRT at MRT ang sagot sana dito, pero dahil sa kalumaan at mga problema dulot ng pagtustos, inaabot na ng mga sira at aberya. Kailangan ng epektibong sistema ng tren ang buong Metro Manila, hindi lang ang tatlong pangunahing kalsada ngayon. Malaking proyekto at siguradong mahal. Pero sa ngayon, ito lang ang puwedeng solusyon, bukod sa planong direktang ipagdugtong ang NLEX at SLEX na pinag-iisipan na rin ngayon.
- Latest