Part 2
BALAK na raw ng Commission on Elections (COMELEC) na bumuo ng ethics committee upang disiplinahin ang mga members nito na umaabuso sa poder gaya nang ginawa ni Com. Rowena Guanzon na nagharap ng komento sa Korte Suprema nang walang konsultasyon sa buong COMELEC. Alam nang lahat ang usaping ito kaya di na natin ide-detalye.
Nakangiti pa si Guanzon na nagsalita sa telebisyon upang kastiguhin ang mga politikong tumuligsa sa kanyang ginawang pagsagot sa Korte Suprema hinggil sa kaso ng disqualification kay presidential candidate Grace Poe nang di na sumangguni sa buong COMELEC en banc pati na sa chairman nito na si Andy Bautista.
Pahiwatig ni Guanzon sa mga nag-react na politiko, huwag siyang pakialaman sa ginawa niyang pag-by pass sa chairman at sa buong Komisyon. Hindi raw siya “under” ni chairman Bautista. Ang ginawang ito ni Guanzon ay nag-aanyaya sa galit ng publiko sa palagay ko. Kahit ano pa ang sabihin laban sa mga politiko, sila ay mga halal ng bayan na dapat galangin ni Guanzon na isa ring dating politiko bago hirangin sa COMELEC ni Presidente Noynoy. Kaya kung siya ay isang ex-politician, bakit ngayo’y nagpapakita siya ng galit sa mga politiko?
O baka naman galit siya porke ang mga politikong ito ay hindi niya kapartido o kaalyado. Kung namumroblema si Guanzon na may nakatataas sa kanyang chairman, ang mabuting gawin niya ay maghintay siyang maging chairman ng COMELEC o mag-resign sa lupon. At kung naiinis din siya sa mga politiko na mga dating kabaro niya, magbitiw na siya sa puwesto. Bakit? Kasi ang ganyang asal niya ay magbibigay ng kulay sa ano mang magiging desisyon niya sa mga kasong nakasampa o isinampa ng mga politiko lalu na matapos ang darating na eleksyon sa Mayo ng taong ito.
Kaya bago maging huli ang lahat, dapat mawala sa COMELEC si Guanzon. Sinisira niya ang umiiral na demokrasiya.