DATI ito ay tinawag na Davao Public Hospital nang ito ay itinatatag noong 1917 na may 25-bed capacity sa may San Pedro St. dito sa Davao City. At ito ay tinawag na Davao General Hospital noong 1946 na may 200-bed capacity hanggang sa naging Davao Regional Medical and Training Center at naging Davao Medical Center at noong 2009 hanggang sa kasalukuyan ay ito ngayon ay kilala na bilang Southern Philippines Medical Center na may 1,000-bed capacity na.
Dito sa SPMC dinadala ang may mga sakit hindi lamang ‘yong mga taga Davao City ngunit maging ang mga galing sa iba’t-ibang bahagi ng Mindanao at maging galing Visayas, sa Bohol at Cebu.
Naging specialty hospital na ang SPMC ngayon na may mga specialized departments na ito gaya ng Mindanao heart center kaya dumadami na rin ang tumutungo rito upang magpagamot.
At malaki na talaga ang improvement ng SPMC kumpara sa nakaraang limang taon, Maging ang out-patient building nito na pinondohan ng Japanese International Cooperation Agency (JICA) ay kaaya-aya na kung tutuusin hindi gaya noong sa iisang silid lang ang out-patient at emergency room.
At totoong may mga unfortunate cases din na nangyayari na may mga pasyente at bantay nila na nagrereklamo dahil nga raw sa hindi maayos na serbisyo ng SPMC.
Itong mga cases na ito ay ilang percent lang sa satisfaction rating na nakukuha ng may libu-libong ibang pasyente na napagaling ng SPMC. Ayon kay Dr. Leopoldo ‘Bong’ Vega, may 96 percent na satisfaction rating ang ospital at may mga four percent ito na sinasabing unsatisfied.
Kung tutuusin ang SPMC ay isang government hospital na nagsusumikap silbihan ang ating mga kababayan kahit nga kulang ang budget na nakukuha nito sa national government.
At isa pang malaking problema na nakikita ay dapat ang ideal na manpower ng SPMC ay umabot sa 3,700 ang personnel nito. Ngunit sa kasalukuyan ito ay may 1,200 staff lang na nagkukumahog silbihan ang higit isang libong pasyente araw-araw.
Kaya nga saludo ako sa mga nangangasiwa sa SPMC, na pinangunahan ni Doc Bong Vega dahil kahit na hindi sapat ang budget ay nakuha pa nitong silbihan ang mga pasyente nila.
At hindi lang ‘yan--- patuloy na nangangalap ng pondo sina Doc Bong upang maipatayo ang iba pang mga improvements gaya ng isang 120-bed capacity na separate intensive care unit building sa tabi ng main hospital building.
Ayon kay Doc Bong, patuloy nilang gagawin ang abot sa kanilang makakaya na maging mas maayos at mabuting ospital ang SPMC para sa ating mga kababayan kahit taga-saan man sila.