EDITORYAL - Mga lumang dyipni at bus, walisin na!

ISA sa mga paraan para masolusyunan ang grabeng trapik sa Metro Manila ay ang pag-phase out sa mga luma o kakarag-karag na dyipni at bus. Ang mga lumang sasakyan na ito ang nagpapasikip sa mga lansangan sa Metro Manila at ang masahol pa, karamihan sa mga sasakyang ito ay dispalinghado na ang preno at bukod pa rito, numero unong nagpaparumi sa hangin. Karamihan sa mga dyipni ay mahigit nang 15 taon na ang edad. Matagal-tagal na ring panahon na nagdudulot nang polusyon, panganib at nagpapasikip sa trapiko.

May kabuuang 600,000 dyipni sa buong bansa ang dapat i-phase out sapagkat lampas 15-taon na ang mga ito. Ayon sa Department of Transportation and Communications (DOTC)  pagbabasehan sa edad ng public utility vehicles kung kailan ito ginawa. Kapag nasa 15 taon na ang sasakyan, dapat na itong alisin sa kalye. Pero katwiran naman ng grupo ng mga jeepney driver at operators, hindi dapat pagbasehan ang edad ng dyipni kundi ang kasalukuyang estado nito. Marami umano sa mga dyipni ay mahigit nang 15 taon pero matibay pa at maayos na naibibiyahe ang mga ito. Kapag daw inalis ang mga lumang dyipni sa kalye, paano ang hanapbuhay ng mga driver? Saan daw kamay ng Diyos kukuha nang ipakakain sa pamilya? Dagdag pa ng grupo, hindi makatwiran ang gagawing pag-phase out sa mga dyipni. Idinagdag pa na hindi raw ang modernization ang target ng DOTC kundi corporatization.

Dapat aminin ng drivers at operators na marami na talagang lumang dyipni at bus sa Metro Manila na nagdudulot nang pagsisikip ng trapiko. Marami na ring pangyayari na ang mga lumang dyipni ang nawawalan ng preno at inaararo ang mga kabahayan na nagbubunga nang malagim na kamatayan. At gaano karaming lason ang ibinubuga ng mga kakarag-karag na dyipni sa Metro Manila. Sobrang polluted na ang siyudad at para mawala ito o mabawasan, dapat nang walisin ang mga lumang dyipni pati  ang mga bus.

Ituloy ng DOTC ang planong phase out sa mga sasakyan na 15 taon na ang edad.

Show comments