Natuto na ang mga Dabawenyo

SABIHIN mang bumaba ang bilang ng nasugatan dahil sa paputok noong Holidays, lalo na sa Christmas at New Year’s eve, kahit paano may naputukan pa rin at ang mas masahol ay may higit 5,000 pamilya ang nawalan ng bahay dahil nga sa sinindihang paputok ilang oras lang lumipas ang hatinggabi patungo sa unang araw ng 2016.

Nangyayari ang tinatayang trahedya na rin lalo na sa mga nawalan ng bahay sa Metro Manila sa unang araw pa naman ng bagong taon dahil lang sa paputok na ‘kwitis’.

At may mga namatay na rin dahil sa stray bullets at may higit 300 na nasugatan o naputulan ng daliri o anong parte ng katawan dahil sa paputok.

Ngunit dito sa Davao City ay may 13 taon na ring naitala namin ang zero-injury sa mga firework-related cases lalo na tuwing Christmas eve at New Year’s eve.

Noong unang pinatupad ni Mayor Rodrigo Duterte ang ban on firecrackers at pyrotechnic materials noong 2002, medyo may alinlangan pa nga ang mga residente rito at sinabing napaka-‘killjoy’ naman ng local government,

Ngunit sa kalaunan ay naintindihan na rin namin ang wisdom ng nasabing local ordinance at kung bakit ito ay tahasang pinatupad ni Duterte. May political will, ‘ika nga.

Kaya ngayon ay may labingtatlong taon na rin kaming zero-injury  tuwing Pasko at Bagong Taon.

Ang nasabing “local Ordinance No. 060-02 Series of 2002, otherwise known as the Anti-Firecracker Ordinance, prohibits the “manufacture, sell or offer sale, distribute, possess or use any firecracker or pyrotechnic devices or such other similar devices within the territory of Davao City”.

“Violators will be fined from 1,000 pesos to P5,000 or imprisoned from 20 days to 3 months. Business permits of establishments violating the ban will also be cancelled by the City Government of Davao.”

Yung local ordinance na ‘yon ang dahilan kung bakit may labingtatlong taon na ring bakante ang aming mga ospital rito tuwing Pasko at Bagong Taon kahit na may mga standby na medical teams dahil nga wala namang dinadalang nasasaktan o nasugatan.

Kaya sa halip na paputok, naging kontento na at naging maligaya naman kami rito sa Davao City sa pagsalubong ng Pasko at Bagong Taon sa pamamagitan ng torotot, pagkalembang nga kung anong mga bagay na tumutunog o di kaya ay sumigaw ng ‘happy new year’ ng pagkalakas-lakas’. Minsan walang sawang nagdi-disco o videoke sa mga kalsada upang mag-ingay ng todo huwag lang magpaputok.

Killjoy man kung isipin ng iba ngunit masaya na kami rito sa Davao City at walang nasasaktan dahil sa paputok tuwing Pasko at Bagong Taon.

Matagal nang natuto ang mga Dabawenyo.

Show comments