KAPAG TINAWAG KA na isa kang unggoy, ngitian mo dahil ngayon ang unang araw ng Year of the Monkey. Nawa’y maging sing talino ka ng matsing para marami kang saging na maiuuwi.
Sa isang pagbabalik-tanaw sa ilang kasong inilapit sa amin at naresolba. Ang ilan dito ay ang mga Overseas Filipino Workers (OFW).
Ang unang istorya ay tungkol kay Conchita Waniwan. Nakakahawang sakit, bugbog sa trabaho at ang kasama mo pa sa bahay ay ipis, daga at surot.
Naging tagalinis sa ‘rehabilitation center’ sa Riyadh si Conchita kaya lahat ng uri ng sakit ay nasa kanyang paligid.
“Simula pa lang di ko na hawak ang Iqama ko at ang sahod ko 850 Riyals lang. Apat sila kaya hirap na hirap ako,” wika ni Conchita.
Pagdating ng Abril 2015 natalo sa bidding ang ahensya ni Conchita kaya nawalan sila ng trabaho. Marami pa daw siyang kasamahan na tulad niya at nakatira na lang sa ‘bunker house’.
Ipinarating namin kay Administrator Hans Leo Cacdac ng Philippine Overseas and Employment Administration (POEA). Agad naman silang kumilos kasama ang Chief of Staff ni Admin. Cacdac na si Atty. Edelyn Claustro.
Ipinatawag nila ang ahensiya upang makumpirma ang usaping ito. Nakipag-ugnayan na din sila sa Labor Attaché sa Jeddah.
Ikatatlo ng Hunyo 2015 natanggap ni Conchita ang tiket niya pabalik ng Pinas.
“Nagkaroon pa kami ng pagtatalo ng kompanya dahil ayaw kong tanggapin ang 2600 Saudi Riyals na ibinibigay nila. Tulong daw yun,” kwento ni Conchita.
Giit niya natapos naman niya ang kontrata at hindi nila kasalanan kung bakit na ‘bankrupt’ ang kompanya. Hinahabol din ni Conchita ang kulang sa kanyang sahod.
Si Donna Garalda naman na naging Household Service Worker (HSW) sa Qatar ay inakala ng pamilya na buntis ngunit bandang dulo nakumpirmang hindi ito buntis.
Palasigaw ang kanyang amo, nananakit at may pagkakataon pang pinalo siya ng kurdon ng rice cooker. Kaunting pagkakamali lang daw niya ay bigwas ang inaabot niya dito.
Agad namin itong ipinarating kay Usec. Rafael Seguis ng Department of Foreign Affairs (DFA).
Nakipag-usap siya sa ating embahada sa Qatar para mabisita at masiguro ang kalagayan ni Donna.
Nakipag-ugnayan din sila sa Qatar Agency na Al Sheera Overseas Manpower tungkol kay Donna. Ayon daw sa ahensiya hindi raw nakikipagtulungan ang employer ni Donna.
Itinanggi rin ng employer ang sumbong ng pamilya na minamaltrato doon si Donna. Ayos lang daw na umuwi ito basta may kapalit.
Habang naghihintay sa Qatar si Donna pinapunta naman namin ang kapatid niyang si Roselle kay Admin. Hans Leo Cacdac ng POEA upang maipatawag ang Gets International.
Sa puntong ito ‘suspended’ ang Gets International dahil sa hindi pag-aksiyon sa problema nina Donna.
Ilang linggo ang nakalipas naki-usap daw ang ahensiya kay Roselle na pumunta daw sila sa POEA at sabihing nakikipagtulungan na sila para matanggal ang pagkaka-suspend nito.
Sa kagustuhang makauwi si Donna pumayag sina Roselle sa kondisyong ito.
Pagdating ng Hulyo 2015 sinabihan na siya ng agency na tawagan ang pamilya at magbayad na lang sila kasama ng pagbili ng tiket niya pauwi.
“Ikapito ng Agosto hinatid nila ako sa airport. Pauwi na ako ng Pilipinas,” sabi ni Donna.
Napag-alaman niya ding walang binayarang kahit na ano ang pamilya para siya makauwi at sinagot na ito ng ahensiya pati ang tiket niya pauwi.
Sa ibang kwento isang itinago namin sa pangalang ‘Karyl’ ang ginahasa ng kumpare ng kanyang ama. Mismong ang ama ng biktima na si Romeo Comerciase ang lumapit sa aming tanggapan upang ireklamo si Luis Villacruis.
Makakatakas na sana ang 15 anyos na si ‘Karyl’. Mabilis siyang sumakay ng dyip pauwi matapos makita ang nakapaskil na ‘poster’ na iba’t ibang kwarto ang nakalarawan subalit sinundan siya ni Luis hanggang Kabayanan at ibinalik sa apartel.
Mayo 21, 2014 bumisita siya sa ama. Nakita siya ng kumpare nito na si Luis, tindero ng isda sa palengke. Kumakain siya sa loob ng palengke dumating si Luis at sinabing may ipapadalang ‘groceries’ at ang P450.
Nagpaalam si Karyl sa amang si Romeo. Pumayag naman daw ito. Sumakay sila ng traysikel at bumaba sa ilalim ng tulay sa Kabayanan at saka raw sila sumakay ng dyip, byaheng Muntinlupa.
Pumara si Luis sa Summit Ville sa isang apartelle. Kinabahan siya, agad siyang umalis at sumakay sa dyip. Pagbaba sa bayan nakita niyang nag-aabang na si Luis. Hinila siya nito sabay sabing, “May pag-uusapan tayo!”
Nagulat si Karyl ng sabihin daw ni Luis na “Mahal kita…” “Hindi pwede!” sagot ng bata. Hinayaan muna ni Luis si Karyl at namilit na bumalik sa apartelle para kunin ang groceries.
Pinasok niya sa kwarto si Karyl. Mabilis nitong sinara ang pinto, pinatay ang mga ilaw. Hinawakan niya si Karyl ng mahigpit sa braso at pilit na inihiga habang nakalaylay ang mga paa sa sahig. Sabay dagan sa kanya.
“Papatayin kita! ‘Wag kang magsusumbong!” banta daw ni Luis.
“Hinubad niya ang shorts at brief niya hanggang tuhod. Hinubaran din niya ako. Nagpumiglas ako pero malakas siya sa akin kaya natanggal niya ang panty ko hanggang paa,” kwento ni Karyl.
Naramdaman na lang niyang pinasok nito ang ari niya sa kanyang ari.
Bago lumabas ng kwarto bilin nito, “Wag kang magsusumbong!”
Isang linggo niyang nilihim ang nangyari ngunit nang minsan silang magtagpo ay napansin ng drayber na hindi siya mapakali.
Nagsumbong si Karyl sa drayber at pinagtapat naman ng drayber ang lahat sa ama ng bata. Nagpunta sila sa Muntinlupa Police Station. Nagsampa ng kasong Rape in relation to R.A 7610 o Child Abuse sa Prosecutor’s Office Muntinlupa City.
Ika-28 ng Hulyo 2014, nailabas ang resolusyon ni Asst. State Prosec. Maria Rhodora Salazar-Ruba. Nakitaan ng Probable Cause para maiakyat ito sa Korte. Nababaan ng ‘warrant of arrest’ si Luis Villacruis ng RTC-Branch 207 nung Setyembre 24, 2014, pirmado ni Presiding Judge Philip Aguinaldo.
Ilang araw lang ang nakalipas nahuli na itong si Luis. Nawa’y itong taong ito ay patuloy kaming makatulong sa mga may suliranin.
Asahan mo din na makalampas lang ang January 1 andyan na ang mga pulitiko na kakamay at babati ng ‘Happy New Year, iboto niyo ako’. Ayos!
SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal maaari kayong magtext sa 09198972854, 09051090451 at sa gustong maka-usap ako ng diretso sa 710-3618.
Maaari din po ninyong i-like ang www.facebook.com/tonycalvento o i-type na rin ng diretso sa Facebook sa Tony A. Calvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.
Hotline: 09198972854
Tel. No.: 7103618