ITO ang panahon kung saan inaalala ang mga makabuluhang pangyayari ng taong ito. Mga malalaking balita na laman ng mga pahayagan, radyo at telebisyon. At wala na sigurong lalaki pa sa katatapos lang na Miss Universe Pageant sa Las Vegas, USA. Ang kakaiba sa makasaysayang kaganapang ito, tila hindi matapos-tapos ang mga intriga sa buong insidente.
Para kay Steve Harvey, tanggap na niya ang batikos at patawa ng buong mundo sa kanyang pagkakamali. Mismo siya ang nakikisakay na sa mga biruan, tulad ng pagbati niya ng “Merry Easter” sa panahong ito. At tila siya nga ang may huling patawa, dahil siya pa rin umano ang hahawak sa pag-host ng mga susunod na Miss Universe. Kung ang inisip nang marami ay wala na siyang trabaho, kabaliktaran ang nangyari. Maaaring pinuri siya para sa kanyang agarang pag-ako ng pagkakamali.
Inulan naman ng batikos si Miss Germany kung saan sinabi na walang bumoto para kay Pia Wurtzbach, kaya dapat si Miss Columbia ang tunay na nanalo. Ninakawan daw si Miss Columbia ng tagumpay. Dahil sa dami ng batikos, napilitang maglabas ng pahayag na tila binabawi ang kanyang mga sinabi. Wala raw siyang intensiyon na saktan si Pia. Talaga?
Ngayon, naglabas naman ng opisyal na pahayag ang organisasyon ng Miss Universe Montenegro. Bunsod ito sa video kung saan tila pinigilan ni Miss Montenegro si Pia na makalapit kay Miss Columbia pagkatapos ianunsiyo ang tamang nanalo ng titulo. Binati ng pamunuan si Pia na karapat-dapat na Miss Universe, at sinabing hindi sinadya ang pagtaboy kay Pia.
Ano pa kaya ang mga lalabas sa kakaibang Miss Universe na ito? Matapos kaya ang taon na tatahimik na ang lahat sa isyu at insidente, at pababayaang mamuno si Pia bilang Miss Universe 2015? O may mga hihirit pa?