MALAPIT na ang Pasko. Ito na rin ang linggo na inaasahang matindi ang trapik, lalo na sa mga lugar na malalapit sa mga malls. Bakasyon na ang mga mag-aaral, at maraming naghahabol mamili pa ng mga regalo, pati na ang mga paghahanda para sa noche buena. May mga Christmas party pang gaganapin sa linggong ito. Sa madaling salita, maraming tao at sasakyan sa kalsada, at halos lahat nagmamadali. Kaya ito rin ang panahon na kailangang mag-ingat.
Dalawang insidente na nga ng hit-and-run ang nagaganap. Ang isa, nakunan pa ng video. Isang bagong Montero Sport ang nakasagasa ng bisikleta pero imbis na huminto at magbigay ayuda ay umalis na lang na tila walang nangyari. Hindi ako maniniwala kung sasabihin niya na hindi niya alam na nakasagasa na pala siya ng bisikleta at kitang-kita sa video na umangat pa ang sasakyan nang masagasaan. Wala pang balita kung nahuli ang nagmamaneho.
Sa Karuhatan, Valenzuela City naman, nasagasaan ng isang humaharurot na sasakyan ang tumatawid na tao. At ganundin, imbis na tumigil para tumulong, lalo pang kumaripas. Mabuti na lang at hinabol siya ng mga naka-motorsiklo na nakasaksi sa insidente. Inabot din siya pero hindi bago nakasakit pa ng ilang tao. Ang kanyang katwiran, natakot siya kaya umalis. Siguro mas matakot na siya ngayon dahil patong-patong na kaso ang isasampa na sa kanya, lalo pa kung hindi maligtas ang una niyang nasagasaan at kritikal ang kundisyon sa ospital. Ano na ang mangyayari sa kanyang pamilya ngayon? Pasko pa naman.
Dapat talaga mas maingat itong panahong ito. Panahon ito para magsaya, hindi para masangkot sa masamang aksidente, o makapatay pa ng tao dahil lamang nagmamadali. At dahil na rin sa dami ng mga Christmas party na gaganapin ngayon, mag-ingat sa mga lasing na drayber. Alam naman natin ang taong hindi marunong maging mahinahon sa pag-inom ay kadalasan nasasangkot sa masamang pangyayari. Lalo na kung alam na may mga abogadong mag-aasikaso sa kanila kung sakaling masangkot nga sa hindi magandang pangyayari. Kaya wala ring takot ang mga iyan, dahil nga sa kakayanang malusutan ang mga problema.