^

PSN Opinyon

“Silang mga War Freaks”

- Tony Calvento - Pilipino Star Ngayon

PINAGSASABUNUTAN, kinaladkad at pinagtulungan ang isang dalagita ng apat na babae. Ito ang akusa ng labing pitong taong gulang.

“Wala akong ginawa. Nagbiro pa nga ako na baka makasuhan sila pag pinatulan tapos ako ang irereklamo,” wika ni Caroline.

Kapatid ng namatay na asawa ni Caroline Fernandez ang nagreklamo sa kanyang labing pitong taong gulang na dalagita na itatago namin sa pangalang “Lena”.

“Kagagaling ko lang sa meeting namin ng 4P’s. Pagdaan ko narinig ko na may alitan na pala yung dalawa kong kapitbahay sa pamangkin ng asawa ko,” pahayag ni Caroline.

Sinabihan pa raw niya ang mga kapitbahay na sina Maureen dela Cruz at Rodelyn Kabigting na wag ng patulan si Lena dahil baka makasuhan pa sila.

Nagkaroon ng sagutan hanggang sa nauwi sa sabunutan sa pagitan nina Rodelyn at Lena. Hindi lumapit sa mga ito si Caroline dahil alam niyang mainit na sa kanyang pamilya ang pamilya ng namatay niyang asawa.

“Dumating ang ina ni Lena at yun ang umawat. Pati si Elenita na ina ni Rodelyn nakiawat na rin. Hindi ako nakialam dahil pinapaalis na kami ng tatay ni Lena sa tinitirhan naming bahay,” salaysay ni Caroline.

Ilang oras ang nakalipas may kapitbahay na nagsabi sa kanya na may mga pulis na raw na kasama ang pamilya ni Lena. Nalaman na lang nila na inireklamo na pala silang apat.

Ayon naman sa reklamo ni Lena sa gabay ng kanyang ina na si Ma. Fatima Ferriol, Oktubre 6, 2013 bandang alas singko ng hapon siya at ang apat niyang nakababatang kapatid ay nasa labas ng kanilang bahay. Binabantayan niya ang mga ito habang naglalaro.

Lumapit ang limang taong gulang na pamangkin ni Maureen. Binato raw nito ang kanyang limang taong gulang na kapatid.

Pinagalitan niya ang kapatid at sinabihang kung hindi ito lumabas ay hindi ito mababato. Pinapasok niya na ang mga ito sa bahay nila.

“T4n6 *na mong bata ka, ang lakas ng loob mong mambato, porket kagawad ang tatay mo. Isusumbong kita sa tatay mo. Sige pumasok ka na,” biglang sabi daw ni Rodelyn.

Habang pinapapasok niya ang kanyang mga kapatid ay pasugod na lumapit sa kanya sina Rodelyn, Maureen at Caroline.

“Ano ba ang problema mo at pinapatulan mo ang aking pamangkin?” tanong sa kanya ni Maureen.

“Puro kayo dakdak, banatan mo na,” sabi umano ni Rodelyn sabay tulak kay Maureen palapit kay Lena.

“Oo nga, tirahin mo na, wala naman magagawa yan. Wala naman ang mga magulang niya dyan,” sabat pa daw ni Caroline.

Si Rodelyn naman ang sumagot. “A ganun ba, sige heto na ko.”

Sinampal at sinabunutan siya ni Rodelyn. Hinawakan ang kanyang leeg at kinaladkad palabas ng pinto ng kanilang bahay. Dumating naman ang ina ni Rodelyn na si Elenita at pakunwari raw itong umaawat pero hawak ang kaliwa niyang braso at hinahampas pa ito.

Napabagsak si Lena sa kandungan ni Elenita pero hinayaan lang daw nito na sabunutan pa siya ni Rodelyn at pinagkakalmot ang kanyang mukha.

Nakisali na raw si Maureen at sinabunutan din siya. Natigil lang daw ang pananakit sa kanya nang dumating ang kanyang Tiyuhing si Eddie.

Nang umuwi ang kanyang ina at nakita ang itsura niya ay dinala siya  sa ospital. Nagpa-blotter na rin sila sa pulis.

Nakasaad sa resulta ng kanyang medico-legal certificate na nagkatoon siya ng ‘multiple abrasions, face, secondary to mauling’. Pirmado ito ni Dr. Bonifacio Batallones Jr.

Mariing itinanggi ni Caroline ang mga akusasyon sa kanya. Ang pagkakakilala niya raw kay Lena ay batang walang galang sa matatanda.

Paano raw matatandaan ni Lena ang ibinibintang nitong sinabi niya gayong nakikipag-away na ito kay Rodelyn. Ang kaaway ni Lena ay si Rodelyn na isang taon lang ang tanda sa kanya kaya’t bakit pa siya makikisali.

May galit lang daw ang mga ito sa kanya dahil pinapaalis na sila sa tinitirhang bahay. Makakapagpatunay daw dito ang CCTV ng barangay nila.

“Magkakalapit lang ang bahay namin nung papauwi na kami inakala niyang susugurin siya,” wika ni Caroline.

Sinabihan pa raw siya ng kabilang kampo na umalis lang sila sa kanilang tinitirhan ay iuurong na ng mga ito ang kaso laban sa apat.

Depensa naman ni Maureen na nagsimula ang away sa kanyang pamangkin. Di niya lang malaman kung bakit nakihalo si Lena sa away ng mga bata. Pati raw ang umawat na si Elenita ay nadamay sa kaso.

Nagharap sila noong Disyembre 3, 2013 at hinihingian daw siya ng labing limang libong piso. Wala siyang mapagkukunan ng ganito kalaking halaga dahil labandera siya at may pitong anak.

Ayon naman kay Rodelyn parang ‘war freak’ daw si Lena nung mga panahong yun dahil pinapatulan nito ang limang taong gulang niyang pamangkin. Naghamon daw ito ng away at tinanong niya kung bakit pa ito naghahamon ng away. Si Lena raw ang unang nanakit sa kanya.

Matapos nilang magpasa ng kani-kanilang sagot naglabas ng re­solusyon si Investigating Prosecutor Ramon B. Mendoza. Nakitaan ng ‘probable cause’ upang kasuhan sila ng RA 7610 (Child Abuse).

Naitakda ang piyansa ng bawat isa sa halagang Php80,000. Maghahain sana ng Motion for Reconsideration sina Caroline ngunit hindi na sila umabot sa ibinigay na palugit.

SA AMIN DITO SA CALVENTO FILES, unang kailangang gawin ng mga akusado ay pag-ipunan ang pampiyansa nila. Ito’y nakasampa na sa korte at dun sila magkakaroon ng pagkakataon na ilahad ang kanilang ebidensya kung wala silang kasalanan.

Ang ‘Child Abuse’ madalas nating nakikita na ginagamit pang kaso. Bago ito’y magtagumpay kailangan patunayan mo sa korte sa pamamagitan ng pagsusuri ng isang Psychiatrist at resulta ng ‘Psychological Test’ na naapektuhan nga ng bata at ito’y dadalhin niya hanggang sa kanyang pagtanda.

Ang kasong Child Abuse ay mabigat na kaso dahil mahabang proseso ang kailangan pagdaanan ng bata para tuluyang ma-rehabilitate siya mula sa isang karimarimarim na pangyayaring nasaksihan niya at ginawa sa kanya.

Napakaraming elemento ng Psychological Child Abuse ang dapat pumasok bago ito katigan ng korte. Sa mga ibang hindi ordinaryong kaso maski na mismong ina ng bata ay pwedeng makasuhan ng Child Abuse dahil bakit siya nakipag-away na nandoon ang kanyang batang anak.

(KINALAP NI CHEN SARIGUMBA)

SA MGA BIKTIMA NG KRIMEN o may problemang ligal maaari kayong magtext sa 09198972854, 09051090451 at sa gustong maka-usap ako ng diretso sa 710-3618.

Maaari din po ninyong i-like ang www.facebook.com/tonycalvento o i-type na rin ng diretso sa Facebook sa Tony A. Calvento at mag-iwan ng mensahe para sa inyong mga problema.

Hotlines: 09198972854

Tel. Nos.: 7103618

ACIRC

ALIGN

ANG

ITO

KANYANG

LEFT

LENA

MGA

QUOT

RODELYN

STRONG

Philstar
  • Latest
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with
-->