Drilon: Madaliin ang kaso ni Grace Poe
HINDI siguro masama ang intensyon ni Senate President Franklin Drilon nang magmungkahi siya sa Korte Suprema na pabilisin ang pagdedesisyon sa mga kaso ng diskwalipikasyon laban kay Grace Poe.
Pati Christmas break ay iminungkahi ni Drilon na ipatigil muna sa mga mahistrado. Para daw matutukan at agad na maresolba ang mga kaso. Puwedeng the statement was made in good faith pero…
Pero kontrobersyal ang naging pahayag ni Drilon dahil member siya ng Liberal Party. Siyempre, aandar ang imahinasyon ng marami na baka gusto ni Drilon na isang party stalwart at masugid na supporter ni Mar Roxas na agad maitsapuwera ang matinding kalaban ng kanilang presidential bet.
Marami na kasing nagsususpetsa na ang paghahain ng sapin-saping kaso laban kay Poe ay pakana ng mga kalaban niya sa pulitika. Sa madaling salita, isa itong demolition job.
Natural lang na itatanggi ito ng kampo nina Mar Roxas at Jojo Binay. Sasabihin at ipagdidiinan na wala silang kinalaman sa mga kasong inihahain laban sa isang pinakamalakas sa mga kandidato sa pagka-presidente sa susunod na taon. Hindi malayong ang mga kakampi nila ang gumagawa ng paraan para malaglag ang kalaban ng dalawa sa pulitika. ‘Ika nga, para masigurong mananalo ang mga manok nila.
Hindi nga siguro si Secretary Mar o si VP Binay ang tumatrabaho kay Poe. Siguro ang mga kakampi nila sa pag-aakalang hindi magiging kaduda-duda ang mga ikinikilos nila. Ganyan ang kalakaran sa pulitika.
Kaya ang hamon naman ni Poe sa kanyang mga katunggali ay”maglaban tayo nang patas.”
Alam kong walang masamang intensyon si Sen. Drilon nang sabihin niya ang mga bagay na ito. Pero dahil nga may isyu, hindi na tayo magtataka kung iba ang magiging perception ng publiko. At batid naman natin na ang public perception ay importante sa ikapagwawagi o ikatatalo ng kandidato. Ingat-ingat din kasi sa pagsasalita minsan.
- Latest