NANAWAGAN ang DSWD sa mga lokal na pamahalaan na pigilan ang mga batang nagka-caroling sa gitna ng kalsada, lalo na’t papalapit na ang Pasko. Karaniwang eksena sa tuwing palapit ang Pasko ang mga batang kumakanta at sumasayaw sa kalsada, partikular kung saan nakahinto ang mga sasakyan. Nalalagay sila sa panganib, pati na rin mga sasakyang bumabaybay ng kalsada. Hindi ko nga alam bakit tila walang ginagawa ang lokal na pamahalaan, pati na rin ang gobyerno tungkol dito. Hinihikayat din ang mga motorista na huwag bigyan ng pera para hindi mawili. Kapag binigyan, maging pera, pagkain o ano pang mga bagay-bagay, lalong dadami ang mga magtutungo sa kalsada para humingi.
Ngayon, kikilos na raw ang mga lungsod ng Quezon at Maynila. Sasagipin daw ang mga batang makitang nagka-caroling sa kalsada. Iaanunsyo na bawal na gawin ito. Kung kayang gawin ito noong APEC, bakit nga naman hindi magagawa ngayon? Ang mahirap ay baka maghabulan naman sa kalsada at lalo pang mapahamak ang lahat. Dapat nga hindi lang ang mga nagca-caroling kundi lahat na ng lumalapit sa mga sasakyan kapag nakahinto. Mas maganda kung may programa ang gobyerno para sa mga bata, pati na rin sa mga nanlilimos sa kalsada. Hindi talaga ligtas ang kalsada, kahit sabihing nakatigil na ang mga sasakyan. May mga motorsiklo diyan na pasingit-singit kahit nakahinto ang mga kotse. Hindi malayo mangyari na may tamaan ang mga ito habang sumisingit.
Iba rin ang mga kalsada natin. Bukod sa mga namamalimos at mga batang sumasayaw at kumakanta, tila tiangge na rin. Sari-saring kagamitan ang inilalako. Tubig, mani, kakanin, basurahan, sabitan ng damit, pamingwit ng isda, plehe para sa mga baradong lababo, iba’t ibang sumbrero, at dahil mag-Papasko na, mga laruan. Tila isa lang ang pinanggagalingan ng mga ito dahil kapag may nakita kang bagay na ibinebenta sa kalsada, makikita mo na ito sa iba’t ibang bahagi ng lungsod.
Sasama na naman ang trapik sa Metro Manila. Kung masama na nga ngayon, lalong lalala pa ito sa mga darating na linggo. Kaya bukod sa mga tinatanggal nang mga sasakyan at balakid sa kalsada, isama na rin ang mga gumagala. Huwag nang hintaying may mangyari pang masamang aksidente.