ANO raw ang gagawin ngayon ng tatlong mahistradong miyembro ng Senate Electoral Tribunal (SET) kapag inapela na sa Supreme Court ang desisyon sa disqualification case ni Senadora Grace Poe? Ang sagot, siyempre, ay kusa silang hindi makikilahok (inhibit) dahil hindi makatarungang hatulan nila bilang miyembro ng Mataas na Hukuman ang sarili nilang mga desisyon bilang miyembro ng SET.
Sana raw ay hindi na lang sila nakisali sa kaso nang sa gayon ay maari pa silang mapabilang sa kabuuan ng Korte sa higit na mas makabuluhang desisyon kapag itoy iniangat na sa kanila. Sa tingin ko naman ay hindi nila matatakasan ang katungkulan nila bilang miyembro ng SET na ibigay ang kanilang opinyon. At oras na sila nga’y bumoto na, obligasyon nila bilang mga Mahistrado na ibigay ang kanilang opinyon sa tamang pagbasa ng batas. Ganyan ang inaasahan ng lipunan sa kanila.
Hindi lamang ang hatol ng lipunan ang hindi nila matatakasan. Higit dito, ang hatol ng kasaysayan ang kailangan nilang isaisip. Ang desisyon ng bawat isa sa kanila ay hihimay-himayin, uuriratin at susuriin hanggang magunaw ang mundo dahil sa kahalagahan nito sa kapalaran ng Konstitusyon, ng mga foundlings at ampon at ng buong bansa. Walang sinuman sa kanilang makakaiwas sa tanong ng kung paano nila nadesisyunan ang isyung ito nang walang inasahang guidance o nauna nang katulad na desisyon.
Maski ang mga senador na miyembro ng SET ay naging sensitibo sa hatol ng kasaysayan. Noong una’y inasahang awtomatikong negatibo ang boto nina Senadora Cayetano at Aquino dahil, siyempre, sa kanilang pagiging kamag-anak ng mga kandidatong makikinabang sa diskuwalipikasyon ni Senadora Grace. Sa kabila nito ay nagawa nilang mahigitan ang limitasyon ng pulitika at maisaisip hindi lamang kung anong tama para kay Senadora Grace kung hindi na rin ang epekto nito sa lahat ng kaparehas niyang sitwasyon. Sa gusto niya o sa hindi, si Senadora ang naging imahe ng mga foundling. Ang sitwasyon ni Senadora Grace ay salamin ng sitwasyon ng bawat foundling sa bansa.
* * *
Happy Birthday STAR President Miguel G. Belmonte!