May napakinabang ba sa APEC-2015?

ANANG gobyerno may pakinabang ang bansa mula sa P10 bilyong gasta sa pag-host ng Asia Pacific Economic Cooperation 2015 summit. Kung ano-anu ‘yon, ewan ko. Ang alam ko, batay sa mga ipinahayag ng 21 pinuno ng mga Ekonomiya na dumalo, ito ang kalagayan natin:

• Tinuligsa nila ang mga teroristang pag-atake sa Paris at Beirut, at pagpapabagsak ng eroplanong Ruso. Kasabay nito pinugutan ng teroristang Abu Sayyaf sa Sulu ang Malaysian hostage mula Sabah.

• Tumalima sila sa kaunlaran bilang pinaka-mabisang panlaban sa terorismo at radikal na Islam. Samantala, nananatiling pinaka-mahihirap na probinsiya ang Sulu, Basilan, at Tawi-Tawi.

• Nagkaisa sila na iangat ang daan-daang milyong nilalang sa mundo mula karalitaan. Sa Pilipinas nitong nakaraang 30 taon, 26-27% ng populasyon -- isa sa bawat apat na pamilya -- ang dukha.

• Ikinalungkot nila na maraming napag-iiwanang mga bansa sa pag-unlad ng mundo. Isa ang Pilipinas sa napag-iiwanan.

• Lalabanan nila ang climate change. Mahalaga sana ito para sa Pilipinas, na nu’ng 2013 ay tinamaan ng pinaka-malupit na bagyo sa kasaysayan ng tao. Sanhi umano ito ng pag-init ng karagatan sa Equatorial Belt. Pero nanahimik lang ang Philippine delegation sa APEC-2015. Ito kaya’y dahil nahihiya sila na, sa ipinangako ng gobyerno na pagtayo ng 10,000 bahay na nga lang (50,000 ang inako ng NGOs at mga pribadong kumpan­ya), ni hindi umabot sa 1,000 ang nagawa?

Tema ng APEC-2015 ang “inclusive (tayo-tayo) economics.” Pero inetsa-pwera ng gobyerno ang 14 milyong Metro Manilans -- itinago sa tanaw ng mga bisita. Nauna ru’n, tumanggi si P-Noy sa panawagan ng middle class na babaan sana ang individual-income taxes. Napaka-taas nitong P125,000-buwis ng P500,000-taunang kita, plus 32% ng labis. Karaniwang suweldo lang sa call center ang P500,000, pero pinaka-mataas ang buwis sa sulok na ito ng Southeast Asia.

Show comments