Bulaklak ng puso
Mutya sapul nang isilang ka’t masilayan
nagbago ang daigdig kong dati rati’y walang
muwang ang langit kong noo’y laging
may lambong ng kadiliman
nagliwanag at wari bang ang langit ko ay
nabuksan; kapag ikaw ay naglaho sa puso ko’t
gunamgunam ang buhay ko sa daigdig
wala na ring kabuluhan!
Mabango kang rosas na umusbong sa ubod
ng puso na biglang nagpabilis sa daloy
ng aking dugo, dahil sa’yo nagkabuhay
ang damdaming dati’y bigo at natutong
mangundiman sa daigdig ng Parnaso
dahil sa’yo nagkapakpak sa pitak ng iyong puso!
Eden ka ng aking buhay na ang tanging
Minimithi sa biyaya ng hardin mo ako sana’y
makilimpi’t makaniig ko ang buwan
na pisngi mong tanging-tangi;
gigisingin kita Mutya sa lambing ng mga hikbi
upang kahit papaano’y marinig mo ang pighati
at pangakong sa puso ko’y mamahalin kitang lagi!
Wisikan mo ng kalinga o bulaklak na
Maganda ang puso kong luray-luray nang mamulat
yaring mata, sa patak ng aking luha talulot mo ay ibuka
upang ako’y makasilong kahi’t saglit o Diwata;
sa patak ng halumigmig at ng hamog na
sariwa ang dampi ng mga labi’y
hindi mo ba nadarama
- Latest