NGAYON ang huling araw ng Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) summit. Kahapon ay naging highlight ng pag-uusap ang tungkol sa pagtulong ng mga lider ng bawat bansa na makapasok sa pandaigdigang merkado ang maliilit na negosyante. Naging pangunahing agenda rin ang pagtulong sa Small and Medium Enterprises (SMEs).
Ngayong huling araw ng summit, inaasahang mas marami pa ang pag-uusapan ukol sa kalakalan at maaaring matalakay din umano ang tungkol sa usapin sa environment, climate change, water, energy at transportations.
Unahin sana ang tungkol sa environment lalo’t pa’t ngayo’y marami pa rin ang walang patumangga sa pagsira sa kapaligiran. Laganap ang air and water pollution at kawalan ng disiplina sa pagtatapon ng basura (lalo ang toxic wastes).
Ang air pollution sa bansa partikular sa Metro Manila ay isang malaking problema na hindi gaanong binibigyang pansin ng pamahalaan. Ang hangin na nalalanghap ng mga tao sa lungsod ay may mapanganib na carbon monoxide at toxic fumes na nagdudulot ng sakit: pulmonya, bronchitis, asthma, istrok at atake sa puso.
Magandang malaman kung ano ang magagawang tulong ng mga bansang mauunlad na miyembro ng APEC na may kaugnayan sa air pollution. Maaaring mayroon silang solusyon ukol sa problemang ito.
Ang usapin sa basura ay maganda kung matatalakay lalo’t narito ang lider ng Canada na si Prime Minister Justin Trudeau. Bakasakaling mabanggit ang basura na galing sa kanyang bansa na umaabot sa 50 container van. Ang laman ay pawang hospital wastes. Ang Canada ay isa sa mga bansang matindi ang kampanya sa pangangalaga sa environment. Kung malalaman ni Trudeau ang shipment ng basura, baka ipag-utos niya ang imbestigasyon at agarang ibalik sa kanyang bansa ang mga natitira pang basura na hindi pa naitatapon. Harinawa ay mangyari ang ganun.