EDITORYAL – ‘Tanim-bala’ limot na dahil sa APEC?
NGAYONG linggong ito idaraos ang Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) summit. Ngayong araw na ito inaasahang daragsa ang mga lider ng bansang miyembro ng APEC. Pero kahapon pa, isinara na ang mga kalsadang daraa-nan ng mga lider ng bansa at delegado. At ang resulta, natengga ang mga motorista at commuters sa kalsada dahil sa sobrang trapik. Halos hindi na umusad ang mga sasakyan sa Coastal Road na pangunahing daanan ng mga taga-Cavite. Marami ang hindi nakapasok kahapon sa kani-kanilang trabaho at ang iba ay nagpasyang umuwi na lamang. Ang iba ay naglakad nang ilang kilometro para makarating sa kanilang tanggapan.
Maraming naapektuhan ng APEC. Naiwasan sana ang pagsasara ng mga pangunahing kalsada at walang trapik kung sa Subic ginanap ang summit katulad noong 1995. Hindi sana apektado ang maraming flight ng eroplano na kanselado ng ilang araw.
At dahil din sa APEC, tila nalimutan na rin ang “tanim-bala” sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA). Nasaan na ang mga pulis na itinuturong sangkot sa “tanim-bala” modus. Nalimutan na rin ang mga walang pagbabahala ng Manila International Airport Authority (MIAA) General Manager Jose Angel Honrado.
Nang magkaroon ng hearing sa Senado noong nakaraang linggo, tinanong ni Sen. Bongbong Marcos si Honrado kung ano ang trabaho nito sa NAIA. At ang sagot ni Honrado limitado ang kanyang authority sa airport dahil maraming ahensiya ang nag-ooperate doon. Hindi raw niya sakop ang security sa airport. Sabi ni Marcos, dapat sibakin si Honrado dahil imcompetent ito. Hindi raw ito dapat inilagay sa puwesto. Hinayaan daw niyang mangyari ang “tanim-bala” na ang binibiktima ay mga OFW, papaalis na balikbayan at mga turista. Sa hearing, inanyayahan ang dayuhang nabiktima ng “tanim-bala” na inaming hinihingian siya ng P30,000 ng mga opisyal ng OTS para maayos ang lahat.
Maraming bumabatikos kay Honrado dahil sa “tanim-bala” at humihiling na magbitiw siya. Pero hindi bibitiw si Honrado dahil inilagay daw siya roon ni P-Noy. Bakit daw siya bibitiw?
Marami talagang apektado ng APEC. Pati ang “tanim-bala” at isyu kay Honrado.
- Latest