MASASABING maganda nga ang timing ng pagkadakip muli kay Adbul Manap Mentang noong Miyerkules, isang linggo bago ganapin ang 33rd Asia Pacific Economic Cooperation leaders summit sa Manila na dadaluhan ng world leaders gaya ni US Pres. Barack Obama at marami pang iba.
Nagkataon na nahuli si Mentang sa kanyang hideout sa Bgy. Panatan, Pigcawayan, North Cotabato kung kailan naging abala ang mga otoridad sa paghahanda na maging maayos ang seguridad ng mga delegado sa APEC summit.
Si Mentang ang suspect sa twin bombing ng Davao International Airport at Sasa Wharf noong 2003 at maging ng Valentines Day bombing sa Davao City Overland Transport Terminal noong 2005 na kung saan marami ang namatay at nasugatan.
Si Mentang ang sinasabing bomb expert ng Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) breakaway group ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) na ang balita ay nasa likod din ng serye ng pambobomba sa iba’t ibang lugar sa North Cotabato at karatig bayan sa nagdaang mga taon na ikinamatay nang maraming kababayan.
Sa listahan ng mga otoridad, si Mentang ay isa sa mga kinatatakutang terorista dahil nga sa kanyang paging eksperto sa pagpapasabog ng bomba.
Kaya kahit paano nakakahinga nang maluwag ang mga otoridad dahil nakapiit si Mentang ngayon sa detention cell ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) 11 dito sa Davao City.
Dito dinala sa Davao City si Mentang dahil sa mga korte rito rin siya akusado sa maraming charges ng murder at frustrated murder kaugnay sa mga nasabing bombings sa Davao Airport, Sasa Wharf at Davao terminal.
Kaya ang pagkahuli kay Mentang ay isang makabuluhang hakbang para sa mga otoridad upang masiguro na walang pagsabog na magaganap habang nandito ang APEC delegates.
Ito ay isa ring importanteng move dahil na rin sa nangyayaring simultaneous terror attacks sa Paris, France kung saan higit 140 ang namatay.
Hindi nga naagapan ng intelligence community ng France at mga kaalyado nito kahit na gumagamit na sila ng teknolohiya, naganap pa rin sa Paris ang pinaka-horrendous na terrorist attack sa kasaysayan ng France.
Dahil sa nangyari sa Paris, tiyak nagkakaroon na ngayon ng review ng security measures ang organizers ng APEC summit.