NAPAKAMOT ng bumbunan at naghagikgikan ang mga Chinese businessmen na nakasabay kong mag-almusal sa Ongpin, Binondo, Manila, kahapon ng umaga. Paano kasi ang napagtuunan ng usapan ay ang mga reaksyon nina Department of Transportation and Communication (DOTC) secretary Jun Abaya at Manila International Airport Authority (MIAA) general manager Jose Angel Honrado ng gisahin ng mga senador sa “tanim-bala”. Halata kasing nangangapa ng isasagot sina Abaya at Honrado ng busisiin nina Sens. Grace Poe, Bongbong Marcos at Allan Cayetano sa kanilang responsibilidad sa airport. Una na rito mukhang naghuhugas kamay si Honrado nang ipahayag na hindi niya hawak ang Office of Transportation Security (OTS) at iba pang ahensiya sa MIAA, hehehe! Kaya nang tanungin si Abaya sa grade ni Honrado sa operasyon ng MIAA sinabi nito na 70%. Napaismid si Bongbong sa sagot ni Abaya dahil kung sa mga estudyante, lagpak ito dahil ang passing grade ay 75%.
Malinaw umano na walang kakayahan si Honrado na panghawakan ang MIAA. Ang pananatili niya sa puwesto tiyak na magpapabagsak sa programa ni P-Noy na “tuwid na daan”. Kaya raw hindi matinag si Honrado sa MIAA dahil sa utang na loob ni P-Noy? Malinaw na ang paglutang ng pamilyang White sa ‘‘tanim-bala’’ ay malaking insulto na naman kay P-Noy at mamamayan. At habang nananatili si Abaya tiyak na unti-unting babagsak ang turista na ang naapektuhan rito ay ang ekonomiya ng bansa. Kung sabagay may katwiran itong aking mga kausap dahil kung ang MRT, car plates at driver’s license nga lang ay di nasusulusyonan ‘yun pa kayang kapalpakan ni Honrado. Kaya ang kanilang panawagan alisin na ang mga kapit-tuko kay P-Noy nang makabawi sa pagkapahiya. Ngunit may paalaala itong aking mga kausap sa lahat ng mga pasahero na iwasan na ang pagdadala ng mga bala at maging mapagmatyag sa kanilang mga bagahe ng maiwasan na ang panghaharabas ng ilang tauhan ng OTS at Philippine National Police-Aviation Security Group.
Kasi nga kapansin-pansin na mula ng mabuking itong isyu sa tanim bala marami pa rin ang nahuhuling bala sa mga bagahe, mukhang sinasadya na yata ng iba ang paglalagay ng balang “anting-anting” o tunay na bala ng makakuha ng publicity. Hindi na po biro ito dahil only in the Philippines lang nagaganap ang isyung ito, kasi kung sa MIAA habang lumalalim ang imbestigasyon sa “tanim-bala” patuloy pa rin na may nagpapalusot. Walang pinagkaiba yan sa nagaganap na palusutan ng baril, bala, droga, sex toys, gadget at aplliances sa New Bilibid Prisons. Dahil hanggang sa ngayon naririyan pa rin Bureau of Correction ang mga buwaya na tumatabo ng datung mula sa mga Very Important Prisoner. Kaya Pres. Noynoy Aquino, sibakin mo na ang mga ‘yan sa puwesto.